ITUWID na natin ang lahat ng maling reports. Hindi isang civil wedding iyong ginawa kina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli. Iyon ay isang kasal na ang nagsagawa ay isang pastor ng Evangelical Church, dahil ang kanilang kinaaanibang Victory Christian Fellowship ay nasa ilalim ng Evangelical church, isang sektang protestante.
Roon naman sa sinasabing sapakan, sabihin na lang nating napag-usapan na nang maayos kaya wala nang reklamo ang bodyguard, pero hindi masasabing walang sapakan dahil kumuha ang body guard ng medico legal report, nakitaan siya ng “slight hematoma,” ibig sabihin may tama. Kalokohan naman sigurong sabihin na self inflicted iyon at pagkatapos at saka siya nagpa-blotter sa presinto 7 ng Taguig.
Ang daming kung ano-anong lumabas na usapan, pero sa tingin namin ang lumalabas na biktima riyan ay ang nanay ni Sarah, na siyang ginagawang kontrabida ng mga troll. May nagsabi pa, “hindi na nga siya kinumbida dumating pa at gustong pigilan ang kasal ng anak niya.”
Aba natural po siguro iyon sa magulang. Sana ay huwag ninyong maranasan na ang inyong anak ay magpapakasal din at para kayong may corona virus na ayaw kayong papuntahin sa kasal niya. Ano man ang sabihin ninyo napakasakit niyan para sa isang magulang. Parang sinabi na, “tapos ka na, wala ka nang katuturan sa aking buhay.” Hindi naman po yata tama iyon. At maniwala kayo sa amin, may balik iyan.
Noong araw, may dalawang artistang gumawa rin ng ganyan-ganyan. Hindi naging maganda ang kanilang pagsasama. Hindi sila nagkaroon ng anak. Pero nagkaroon sila ng anak sa iba matapos magkahiwalay. Hindi naging maganda ang kanilang buhay. Bumagsak ang kanilang popularidad at hindi na nila naabot ang anumang hangarin nilang makabalik. Ang tawag diyan karma.
Natatakot kami para kina Matteo at Sarah. Ngayon nga siguro happy sila, pero maaaring hindi nila alam kung ano ang magiging posibleng balik sa kanila ng kanilang ginawa.
HATAWAN
ni Ed de Leon