Sunday , December 22 2024

OFW sa KSA ibinenta sa ibang employer, balak magpakamatay (Ano ang ginagawa ng POLO?)

NAIS nang makauwi sa bansa ni Jacqueline Makiling, isang OFW sa Saudi Arabia.

Dumulog sa atin ang isa niyang kaibigan sa pag-asang ang pitak na ito at ating radio-TV program ay maging tulay na maiparating sa mga kinauukulang tanggapan ng ating pamahalaan – Department of Labor (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Department of Foreign Affairs (DFA) – ang kondisyon ni Makiling at matulungan siyang makabalik sa bansa.

Taong 2014 nang umalis ng bansa si Makiling upang magtrabaho sa Saudi bilang lehitimong OFW.

Pero sa ngayon, si Makiling ay overstaying sa Saudi at ilegal na ang kanyang pananatili roon.

Ayon sa kanya, makalipas ang pitong buwan ay ibinenta umano siya ng unang employer sa kasalukuyang amo.

Bukod sa hindi maayos na pagtrato ay pinag-iinitan siya ng selosang asawa ng unang employer na hindi naging maayos ang pagtrato sa kanya.

Ang unang amo ni Makiling ay nagngangalang Abdurhaman Muhammad Sulaiman Al Ubidan na nagbenta sa kanya sa kasalukuyang employer.

Ibinenta siya ni Al Ubidian sa ikalawang employer na nagngangalang Fawziah Hamad Nasser Almeqbal, isang babaeng Arabo, manager ng Pachouli Ladies Salon na kanyang pinapasukan sa Almshagel St., Alsafta Butaydah Al Qassim, Saudi Arabia.

Aba’y, mistulang hayop na kambing lang pala ang tao sa Saudi na kapag ayaw na ay pwedeng ibenta sa ibang amo, ano po?!

Sa loob ng limang taon, katakot-takot na hirap at pagdurusa ang dinanas ni Makiling sa ikalawang employer na may iba pang negosyo.

Sabay-sabay daw binubuno ni Makiling ang trabaho bilang massage therapist at beautician; serbidora at tagabuhat sa mga gamit ng catering service; at katulong sa bahay.

Lumalabas sa kanyang kuwento na bukod sa beauty salon ay may food catering service business pa ang kasalukuyang amo kaya’t kalimitan ay inaabot ng madaling araw si Makiling sa pagtatrabaho.

Tiniis ni Makiling ang hirap sa loob ng mahabang panahon sa pag-aakalang aayusin ng kasalukuyang employer ang kanyang mga papeles upang makabalik sa bansa.

Pero hindi po gayon ang nangyari, pinaasa lang pala siya ng kasalukuyang employer.

Tuwing itatanong daw sa amo ang pag-asikaso sa kanyang mga papeles, ang lagi raw isinasagot sa kanya ay “inshallah tayib” at “ana shup,” na ang ibig sabihin, ayon sa pagkakasunod ay ok at I will see, ayon kay Maikiling.

Ilang beses na raw nagpadala ng email ang dumulog sa atin na kaibigan ni Makiling pero mula pa noong Enero ay wala pa raw aksiyon ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Saudi hanggang ngayon.

Ang hindi lang alam ng dumulog sa atin ay kung anong recruitment agency dito ang responsable sa deployment ni Makiling sa kanyang unang employer.

Gano’n pa man, obligasyon ng pamahalaan na tulungan ang sinomang Pinoy na nagigipit sa ibang bansa, lalo ang mga dumaranas ng kaapihan at kalupitan sa kanilang mga amo – legal na OFW man o hindi.

Hanggang ngayon ba ay hinahayaan pa rin ng gobyerno na ibenta sa ibang employer ang mga OFW?

Hindi ba’t ang lehitimo at kinikilalang kontrata ng pamahalaan para sa protek­siyon ng OFW ay employer na nasa­saad sa POEA approved con­tract?

Naniniwala tayo na marami pang problema ng mga OFW ang hindi pinapansin ng POLO tulad ng kay Makiling.

Kailangan ba talaga may namamatay muna bago kumilos ang ating gobyerno na laging reaksiyonaryo?

Aba’y, magtrabaho ka naman, Mocha Utot, este, Uson imbes puro fake news lang!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *