KUNG pakikinggan natin ang sinasabi ng kampo ni Nadine Lustre, wala na siyang balak na gawin isa man sa sinasabing pitong pelikula pang kailangan niyang gawin sa ilalim ng kanyang Viva contract. Kung sabihin nga nila ngayon ay “oppressive” at “one sided” ang kanyang kontrata pabor sa kompanya, at hindi lang siya, idinadamay pa niya ang iba pang artists na may ganoon ding contract.
Ang sinasabi pa nga ngayon ng mga abogado ni Nadine, gusto nga nilang magdemanda ang Viva para mapag-usapan sa tamang forum, ibig sabihin sa korte nais niyang pag-usapan ang kontrata niya. Na kagaya rin ng kontrata ng ibang mga artista na “oppressive” at “one sided”.
Pero talagang ganyan naman ang mga artista. Sa simula pipirmanhan ng mga iyan kahit na anong kontrata, hindi pinag-aaralan iyan. Sa simula excited pa sila na makasama sa mga artist ng isang malaking kompanya. Kung sisikat sila, at saka na iyan magsisimulang magsabi na unfair pala at one sided ang kontratang napirmahan nila. Kasi kaya nilang tumayo sa sarili nilang mga paa. Ang paniwala nila lulusot na sila wala man ang kompanya.
Sa parte naman kasi ng kompanya, namuhunan sila kaya ganoon. Pinasikat nila ang artista. Kung hindi nila napasikat iyan may obligasyon sila sa artista kahit na hindi iyon pinagkakakitaan. Pero hindi sila makapagsasabing unfair at one sided ang kontrata.
Ang masamang epekto ng ganyang problema ay nadala rin ang malalaking producers. Ayaw na nilang mamuhunan na kagaya niyong dati. Ayaw na nilang mag-build up ng artista. Kung sumikat, sasamantalahin na lang nila. Kung hindi naman sorry. Ni wala na nga silang damage control ngayon eh kung nagkamali man ang mga artista, tutal “hindi naman sa amin iyan.”
Kung pag-aaralang mabuti ang epekto ng ganyang mga awayan, ang mga artista ang nawawalan.
HATAWAN
ni Ed de Leon