HINDI maiiwasan ni Nadine Lustre ang usapang legal, dahil lumalabas na hindi pa naman pala tapos ang kanyang kontrata sa Viva. Sa kanilang kontrata, ang Viva ay hindi lamang film producer kundi talent manager din niya. Hindi siya pinansin ng Viva nang pumirma siya ng recording contract sa kompanya ni James Reid, bagama’t iyon ay labag din sa kanilang management contract kung iisipin. Kasi ang naisip naman ng Viva, hindi naman nila pinapirma ng recording contract si Nadine, at siguro ang iniisip nila, hindi naman siya singer.
Pero ngayong kumakalas na si Nadine sa management, ibig sabihin mawawala sa Viva ang karapatan sa kanyang mga pelikula, out of town shows, at mga commercial endorsement. Malaki na iyan kaya natural maghahabol na ang kompanya.
Ang sinusunod na legal opinion ng Viva ay ”a contract is a bilateral agreement and cannot be terminated unilaterally”. Iyan ang umiiral na rule hanggang ngayon. Maski nga ticket sa sine, o ticket sa bus, parang kontrata iyan at kung hindi mo magagawa ang parte mo, isasauli mo ang bayad. Hindi puwedeng basta wala na lang.
Pero may naging legal opinion sa bagay na iyan ilang taon na rin ang nakararaan na nagsasabing ang talent ay hindi tauhan ng manager. Iyong manager ang empleado ng talent dahil siya ang nagbabayad sa manager niya. At iyan ay isang kasunduan na nakasalalay sa tiwala. Kaya iyong simple lost of trust, maaaring palitan ng talent ang manager. Pero iyan ay isang legal opinion lamang at matagal-tagal na usapan pa iyan.
Ang pinakamagandang magagawa ni Nadine, bilhin na lang niya ang kontrata niya. Bayaran niya ang nalalabing panahon ng kontrata at sabihin na niya ang totoo kung ayaw na niya at wala na siyang tiwala sa kakayahan ng mga manager niya. Iyon lang ang paraan para mapabilis ang kaso.
Kung hindi maaaring habang pinag-uusapan iyan sa korte, hindi muna siya makatatanggap ng kahit na anong proyekto, at paano kung tumagal ang kaso? Habang may kaso, suspendido rin ang time clause ng kanyang kontrata, ibig sabihin hindi iyon magla-lapse. Baka kung matapos iyon ang role na lang niyang magagawa ay kagaya niyong Daig Kayo ng Lola Ko.
HATAWAN
ni Ed de Leon