NAGKAGULO sila sa pagmamadali, isipin mo nga naman na walang nakaalam na ikinasal na pala ang dating Miss World na si Megan Young sa kanyang boyfriend na si Mikael Daez noong Sabado, at walang nakatunog niyon kung hindi nila inilabas mismo ang mga picture sa kanilang social media account.
Pero nagkaroon kami ng duda dahil sinasabi ngang nagpakasal silang dalawa sa San Roque Chapel sa Subic Freeport Zone, samantalang maliwanag na ang lumalabas na pictures ng kasal ay walang dudang sa Chapel of the Transfiguration sa Calaruega, Nasugbu, Batangas. Magkakaroon na rin ng isa pang duda dahil ang simbahan sa Calaruega ay napuno rin ng abo dahil sa pagputok ng Taal.
Magkalayo ang dalawang simbahan, isipin ninyo iyong isa nasa Subic, iyong isa sa Nasugbu.
Iyon pala, iyong kasal sa Calaruega ay ginanap noon pang Enero 10, ayon sa mga source at iyon ay isang pictorial coverage para sa isang magazine. Mapapansin ding ang kasal sa Calaruega ay iba ang damit pangkasal na suot ni Megan, kaysa lumabas noong bandang huli na suot niya nang ikasal sa Subic. Iyong mga kabigan nila ay dumalo rin sa kasal nila sa Subic, at iyon ang talagang ginanap noong Enero 25, Sabado.
Bakit sa Subic? Kasi noong mga bata pa sina Megan, nanirahan sila sa Castillejos, Zambales at lumipat lang sila sa Maynila noong pumasok na siya sa showbusiness. Doon talaga lumaki si Megan, at para sa kanya siguro talagang taga-roon siya.
Hindi naman nagulat ang kanilang mga kaibigan nang imbitahin nila sa kanilang kasal, dahil limang taon na nga silang engaged at hinihintay na talaga nila ang kasal. In fact may nagsasabing kasal na nga lang ang kulang para matawag silang mag-asawa na talaga. May bilin sila sa mga kaibigan na ang kanilang kasal ay pribado, ibig sabihin walang maaaring magsalita tungkol doon hanggang hindi tapos.
Nagkaroon nga sila ng isang pribadong kasal. Ngayon mag-asawa na sila. Ano ang kasunod?
Kasal sa Calaruega, para sa pictorial ng Magasin
SA kanilang mga social media posts pagkatapos ng kasal, walang detalyeng ibinigay sina Mikael at Megan tungkol sa kanilang kasal. Iyon lamang post ng kanilang wedding planner ang nagsabing sa Subic nga sila ikinasal.
Iyon namang “on line media” naglabasang lahat ng kanya-kanyang kuwento gamit ang mga picture na kuha sa Calaruega, hindi iyong sa tunay na kasal sa Subic. Kapansin-pansin din na karamihan sa posts ay iyon ngang sa Calaruega, dahil siguro nga iniisip nila na mas maganda ang altar ng simbahang iyon kaysa mas simpleng altar sa Subic.
Pero sa mga video, ang lumalabas ay ang simbahan sa Subic.
Hindi naman namin masisisi ang mga hindi nakaaalam dahil bihira naman iyong basta nakita ang isang simbahan alam more or less kung saan iyon. Iyong iba naman kasi ay hindi kabisado ang hitsura ng mga simbahan, maliban siguro roon sa mga simbahang madalas nilang mapuntahan.
Marami tuloy ang nalito dahil sa pictorial ng kasal na iyon na ilalabas yata ng isang magazine. Pero hindi roon naganap ang tunay na kasalan. Makikita naman iyan eh, oras na irehistro na ang kasal sa civil registrar.
Ngayong kasal na sila, aabangan na lang natin kung ano nga ang kasunod.
HATAWAN
ni Ed de Leon