“BABANGON tayo!”, ang sinasabi ni Congresswoman Vilma Santos sa lahat ng evancuation centers na pinupuntahan niya, hindi lang sa kanyang distrito sa Lipa maging sa iba’t ibang lugar sa Batangas. Aminado rin naman siya na sa buong siyam na taong siya ang governor ng Batangas, isa sa lagi niyang ipinagdarasal ay huwag pumutok ang Taal.
“Alam ko kasi malaking problema iyan para sa local government,” aniya.
Iyon pala ang dahilan kung bakit napag-usapan nila ng noon sa Arsobispo ng Lipa, na si Archbishop Romeo Arguelles na magkaroon ng fluvial procession sa Taal lake tuwing Seotember 8 bilang pagdiriwang sa birthday ng Virgin Mary. Noong simulan din kasi nila iyon, may problema na rin sa lake dahil nagkakaroon na ng fish kill, at isa sa mga proyekto niya ay ipaalis ang mga ilegal na baklad doon. Nagawa naman nila. Nagprusisyon sila sa lake dala ang mga imahen ng Mahal na Birhen.
Iyon ay pagbuhay sa isang matandang tradisyon sa Batangas. Noong araw kasi basta pumuputok ang bulkan dinadala pa sa volcano island mismo ang imahe ng birhen, iyong Nuestra Senora de Caysasay na patron ng Taal, at inihaharap din sa direksiyon ng bulkan ang Krus ng Alitagtag. Nang maging congresswoman na nga si Ate Vi, at halos kasunod ay nagretiro naman si Archbishop Arguelles, natigil na naman ang fluvial procession sa Taal lake.
Gayunman, naniniwala si Ate Vi na ang pagiging madasalin ng mga Batangueno ay malaki ang magagawa para ang lalawigan ay makabangon agad sa ano mang sitwasyon.
“Nasa amin ang lahat halos ng mga religious houses, mga kumbento ng mga pari at madre, at lahat sila nagdarasal para sa amin. Pati sa Carmel nga sa Lipa, hiniling kong ipanalangin kaming lahat ng mga mongha, na alam ko namang ginagawa na nila,” sabi ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon