Friday , November 15 2024

Maligayang Pasko po, lola! (3)

MALILIGAYA lahat ang Pasko sa Lila Pilipina na ipinagdiwang namin mula pa noong 1998.

Opo, nag-umpisa kami noong sentenaryo ng Kalayaang Filipino.

Dalawang dekada’t isang taon na pala.

Parang kailan lang.

Tinitiyak ko kasing makilala ang mga lola ng lahat ng magiging estudyante ko.

Lalo na noong unti-unting namamaalam at nagkakasakit sila – ginawa ko nang bawat semestre ang pagdalaw namin sa kanila.

Naka-tatlo o apat na lipat na nga yata ng opisina ang Lila Pilipina pero lagi’t lagi namin silang sinusundan.

Ipinaririnig ko sa mga kabataan ang kuwento ng mga lola – mula sa mga lola mismo — na hindi man lamang naranasan nang lubos ang kabataan.

Wala sa mga bata ang hindi natututo.

Lagi’t laging may gintong aral.

At ibinabahagi nila ito sa paraang para sa kanila.

Wika nga, sa wika nila.

Sila at social media nila.

May nagbukas ng pahina sa facebook: https://www.facebook.com/LaLilaFilipina/.

Samantalang, may ilang gumawa pa ng mga blog: https://mps10wf230to4.wordpress.com/  at https://manopolola.weebly.com/.

Itinaon kasi namin ito noong selebrasyon ng ika-20 anibersaryo ng Lila Pilipina sa Pagdaigdigang Araw ng Nakatatanda noong 1 Oktubre 2012.

Isinagawa namin ito sa Pulungang Claro M. Recto ng nasunog na Bulwagang Jose Rizal na mas kilala bilang Faculty Center.

Talakayan itong nagtampok din ng mga pagtula, pagkukuwento, pag-awit, pagsayaw, at iba pang uring magpapaligaya at magpapamulat sa lahat.

Nagkaroon din ng eksibit sa Galeriya ng mga larawan at literaturang may kinalaman sa patuloy na paglaban ng mga lola.

Pinamagatang Mano Po, Lola – ito ay nagsimula sa UP Diliman at nagwakas noong 2013 sa Philippine High School for the Arts na ako ay nadestino bilang Direktor IV hanggang 2019.

Habang nasa Makiling ako, nakasasagap pa rin naman ako ng balita.

Ayon sa pakpak nito, malungkot na masaya.

Isa na nga rito ang kataka-takang pakikipag­sapalaran ng bantayog na tinaguriang Memorare – alang-alang sa alaala ng mga Filipinang naging biktima ng pang-aabuso sa Filipinas noong panahon ng pananakop ng Hapon (1942-1945) — sa Roxas Boulevard sa Maynila na pinasinayaan noong 8 Disyembre 2017 at tinanggal noong 27 Abril 2018.

Magpahanggang-ngayon, nanatili itong nawawala.

Kahit sa studio ng lumikha nitong si Jonas Roces sa Antipolo.

Naglaho rin sa San Pedro, Laguna ang isa pang estatuwang kamukha ng Sonyeosang (o “Statue of a Girl”) na nasa harap mismo ng Japanese Embassy sa Seoul, South Korea.

Ngayong 2019, sa kabilang banda, nagkaroon ng eksibit nitong Pebrero sa Ayala Museum na pinamagatang Women and War at naging panauhing pandangal si Lola Estelita Dy.

Pinanood mismo ng pamilya ko ang pagtatang­hal para sa Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan ng Nana Rosa, ang dulambuhay ni Lola Maria Rosa Henson na ginampanan nina Upeng Fernandez at Peewee O’Hara sa panulat ni Rody Vera at direksiyon ni Jose Estrella ng Dulaang UP.

Nasundan ito sa Ateneo De Manila University ng multi-media exhibit si Celline Mercado na pinamagatang In the Spaces We Mend, Inheriting the Unfinished Narrative of the Filipino Comfort Women na nagsama rin ng mga kuha nina Summer Dagal at Richard Jacob Dy at drowing nina Lola Remedios Felias at Lola Maria Rosa Henson.

Ang siste, matatandaang mayroon din matatandang walang pinagkatandaan.

Tumatanda nang paurong.

Karamihan, sila ang mga inaasahan pa naman nating tutulong sa atin.

Silang mga nasa poder.

Silang mga nasa posisyon kasi ang nag-iingat na huwag silang mawala sa kanilang puwesto.

Silang mga may kapangyarihan pa ang mas madalas kaysa hindi ang naninimbang upang huwag silang malaglag.

Para sa kanila, para ano pa ang Lila Pilipina?

Sa ganang-kanila, balakid ang mga lola sa kanilang mga pangarap.

Politikal man o personal.

Itong kanilang paghalik sa puwet.

O pamamalimos.

Ay anti-Filipino!

Bakit hindi?

Bakit nila kakampihan ang mga maysalang ayaw umamin sa kanilang kasalanan?

Bakit sila papanig sa mga nagmamalinis?

Bakit sila nagkikibit-balikat?

At nagpatatahimik?

O nanahimik?

Kaya, nang bumalik ako sa UP Diliman, itinuloy ko pa rin ang aming nasimulan.

Sinindihan kong muli ang mga murâ at may pag-aagam-agam na kamalayan.

Kahit maliit pa ang liwanag, kami naman ay nagtatagumpay.

Kahit malabo-labo ang pag-asa, at mangilan-ngilan na lamang ang mga lola, may bumubuka pa ring liwayway.

Hinaharap ang linaw na aming hinahanap.

Araw-araw.

Gabi-gabi.

Walang iniwan sa Tala ng Bethlehem!

Isa sa mga panukat ang panulat ng mga mag-aaral.

Ngunit, may dalagang noon at doon sa Lila Pilipina nagpahayag ng kaniyang sarili at saloobin sa harap ng mga lolang kasama ang mga anak at apo nila.

Isa sa mga estudyante ko sa klase sa P.I. 100 — na kung tawagin ay “Rizal Babies” — ay si Lois Gabrielle De Leon na isang Linguistics major.

Isinilang noong 1999, siya ay isang-taong gulang nang sinimulan ko ang panatang ito tuwing Pasko mulang 1998.

Aniya – na nakapag-aral sa bansang Hapon bilang isang exchange student: “Itinuro sa ‘kin ng UP na ialay sa bayan kung ano man ang natutuhan. Nais kong maging tulay ng dalawang bansa. Tunay na maraming naitutulong ang Japan sa kasalukuyan pero hindi sa lahat ng oras ay titingalain ng Filipinas ang Japan.  Ang pakikinig sa mga lola sa Lila Pilipina ay nagbago sa aking pananaw sa buhay. Nais kong makatulong sa kanilang ipinaglalaban sa paraang aking makakaya.”

Ito ang dahilan kung bakit dapat ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo ng Lila Pilipina.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *