ANG talagang labanan sa festival ay ang first day gross. Hindi na ganoon kahalaga ang awards night na two days after, kasi napatunayan naman natin na sa unang araw pa lang, alam na ng mga tao ang kanilang gustong panooring pelikula. Halos wala nang natira, o kung mayroon man kaunti na lang, iyong mga taong naghihintay muna ng awards bago manood ng sine.
May nanalo ng maraming awards, na hindi rin naman pinanonood ng mga tao. At makikita ninyo, maski ang mga producer interesado rin naman sa kikitain nila, kaya nga sila sumasali sa festival eh. Ngayon pa lang, sinasabing ang maglalaban lang naman sa top grosser ay sina Vice Ganda at Vic Sotto. Iyong iba makukuntento na siguro sa pangatlo. At sino naman ang pang-apat?
Para sa best actor naman, kung kami ang tatanungin ang dapat na manalo ay si Aga Muhlach. Pero siyempre may ibang tao na iba ang opinion. Hindi naman lahat ay manonood ng Miracle in Cell No. 7. Kung hindi nila gagawin iyon, paano nila makikita ang acting ni Aga?
Sa best actress, baka matawa kayo sa amin, kasi ang gusto naman naming manalo kung hindi si Anne Curtis ay si Pokwang. Pero maski sila hindi nila inaasahan iyan. Iyang mga pelikulang comedy na siyang tinatangkilik naman ng mga tao kaya nagiging top grosser, talagang hanggang best float lang ang mga iyan pagdating sa awards. Pero unfair, dahil mahusay na aktres din si Anne ganoon din si Pokwang. The fact na napatawa nila ang audience, at nailabas nila ang character na malayo sa kanilang personalidad, magaling sila. Tandaan din ninyo, mas mahirap ang magpatawa kaysa magpa-iyak. Dito nga lang sa atin ang tingin ng mga kritiko magaling na basta iyakin.
Ang masasabi nga lang namin, sana maging maayos naman ang festival na iyan. Sana ay hindi na magkaroon pa ng kung ano-anong anomalya at sana sa pagkakataong ito ang kikitain ng festival ay maibigay agad sa mga beneficiaries, lalo na sa mga manggagawa sa industriya, at hindi na kailangang magdemandahan pa.
Samahan n’yo pa rin kami
LASTLY, gusto namin kayong batiin ng isang napakaligayang Pasko at napaka-masaganang Bagong Taon. Kami po rito sa Hataw, ganyan ang feeling pagkatapos ng aming Christmas party. Salamat kay Boss Jerry Yap, isang publisher na hindi balasubas kagaya ng iba riyan.
Sa lahat din ng aming mga mambabasa, na sa buong isang taon ay nakasama namin, nawa’y makasama namin kayo araw-araw sa papasok na bagong taon.
Magbabalik po kami sa January. Hintayin po ninyo ulit ang tsismis namin.
Muli, Merry Christmas and a Happy New Year!
HATAWAN!
ni Ed de Leon