MATAPOS ilabas ng Korte Suprema ang desisyon sa pangongolekta ng FDCP (Film Development Council of the Philippines) ng amusement tax ng mga rated movies ng Cinema Evaluation Board (CEB) at pagsasabing iyon ay lumalabag sa local autonomy ng mga local government na itinatadhana ng 1987 Constitution, sinabi nilang pansamantala munang ititigil ang pagbibigay ng incentives sa mga magagandang pelikulang mare-review nila pagkatapos ng December 10. Ibig sabihin, ang ilang pelikula sa festival na highly rated ay hindi na muna makakukuha ng incentives kagaya niyong dati.
Gayunman sinabi ng FDCP na ipagpapatuloy nila ang pagkolekta ng amusement tax ng mga pelikulang noon pa ipinalabas, para matiyak na makukuha ng mga producer niyon ang lahat ng incentives na dapat makuha nila.
Sa ngayon, sinasabi nilang iniisip pa nila kung saan kukuha ng dagdag na pondo para makapagpatuloy sa pagbibigay ng incentives sa magagandang pelikula.
Palagay namin, kung babawasan lang nila ang kanilang partisipasyon sa mga festival na ginagastusan nila pero hindi naman kumikita. Iyong matitipid doon ay siya nilang magagamit sa pagbibigay ng incentives sa mga gumagawa ng mahuhusay na pelikula.
Maaari ring bawasan ang sponsorship nila sa mga sumasali sa mga foreign festival. Noong araw naman, iyang sumasali sa mga foreign festival sila ang gumagastos sa pelikula nila eh. Ngayon lang naman iyong masyado silang umaasa sa FDCP.
Mas trabaho ng FDCP na magbigay ng incentives sa mahuhusay na pelikula, kaysa mag-sponsor ng mga award at festivals na walang kinikita.
HATAWAN!
ni Ed de Leon