MARAMI ang humuhula na sa darating na festival, ang pelikula ni Bossing Vic Sotto, iyong Mission Unstapabol, The Don Connection ang magiging top grosser. Naiiba kasi ang dating ng kanyang pelikula this year, at aminin natin na maganda ang casting ng kanyang pelikula sa ngayon.
Pero kung si bossing lang ang tatanungin, bale wala sa kanya iyon.
“Kahit hindi top grosser, kahit na runner-up lang tayo okey na rin sa akin iyon. Ang sa akin lang naman basta gumagawa ako ng pelikula, ayoko lang nang malulugi naman iyong producers. Ayoko rin naman niyong ang pelikula ko ay hindi magugustuhan ng fans. Kagaya nga rin niyang awards, hindi ko hinabol iyan. Ang gusto ko magustuhan ng mga fan ang pelikula ko at kumita. Habang kumikita ang pelikula mo, ang feeling mo tumatanggap ka ng award araw-araw, at iyong award ay galing sa publiko mismo.
“Siguro iyon nga ang kaibahan natin sa ibang gumagawa ng pelikula. Gusto naming ang pelikula namin ay magustuhan ng Filipino audience,” sabi pa ni Bossing Vic.
Ito rin ang ikatlong festival movie niya na kasama si Maine Mendoza, “package” na nga ba iyon?
“Hindi naman. May ginagawa naman siyang ibang projects, pero pagdating sa festival sa mga pelikula ko, kung inaakala naming may role na babagay sa kanya ay siya ang aming kinukuha. Iyang si Maine, hindi lang basta dabarkads sa amin iyan eh. Parang siya na ang bunso sa pamilya. Alaga namin iyan. Mabait na bata naman kasi. Professional, mahusay pang artista talaga,” sabi niya.
May mahihiling pa ba siya sa pelikula niya sa festival?
“Wala na siguro. Natutuwa ako na basta gumagawa ako ng pelikula, nagugustuhan iyon ng mga tao at para sa akin tama na iyon,” sabi ni bossing Vic.
HATAWAN!
ni Ed de Leon