PANSAMATALANG ipinatigil ni Mayor Abigail “Abby” Binay ang pagbibigay ng business at license permits sa mga service provider ng Philippine Offshore Gambling Operators (POGO) sa Makati City.
Ayon sa alkalde, ang pangunahing rason sa agarang pagpapatupad ng indefinite suspension ay bunsod ng labis na pagtaas sa halaga ng local real estate at paglaganap ng krimen sa lungsod.
Karamihan sa mga POGO service provider ay ginagamit din pala ang kanilang negosyo sa iba’t ibang criminal activities, gaya ng prostitusyon.
Sa ilang sunod na raid, dalawang buwan ang nakararaan, matatandaang nabasyo ng Makati LGU ang isang high class establishment at isang hotel na ginagamit palang prente ng prostitution at mahigit sa 300 Chinese prostitutes na pawang walang kaukulang working permit ang naaresto.
Kamakailan lang ay ibinulgar din natin sa ating malaganap na programang ‘Lapid Fire’ sa DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz/AM) na sabayang napapanood sa Sky Cable Channel 224, TV Plus at Digital Boxes, na may service providers ang ilegal na nagsasagawa ng kaparehong operation ng POGO na lisensiyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Bukod sa hindi magbibigay ng mga permit, mahigpit din ang ipatutupad na crackdown laban sa iba pang negosyo na nagseserbisyo sa mga POGO, ayon kay Mayor Binay:
“We would no longer accept new applications for Pogo service providers, and crack down hard against illegal activities that are catering to Pogos and their employees within Makati.”
Dahil sa pagdagsa ng mga Tsekwa mula sa mainland China, kasabay na tumaas ang demand sa housing at mga opisina na kanilang inookupahan.
Nagbabanta ang malaking panganib sa mga bago at itinatayong gusali na magdudulot ng malaking problema sa lungsod, ayon sa alkalde:
“These apartments are usually overcrowded with insufficient exits and faulty fire-alarm systems. This puts the local property sector at risk of overheating, where its growth becomes unsustainable.”
Napabalita rin na ultimo mga lehitimong Filipino na dating nangungupahan sa maliliit na apartment ay pinalalayas na ng kanilang mga landlord para sa mga dayuhang Tsekwa na ang mas mataas na alok sa upa ay hindi nga naman matatanggihan.
Tama si Mayor Abby, ang Makati ay dati nang maunlad na lungsod na hindi kailangang umasa sa mga letseng Genuine Intsik (GI) na umaagaw pati sa trabaho at kakainin ng ating mga kababayan.
Gaano man kalaki ang revenue o income na nakokolekta ng Makati sa business at license permit ng sangkatutak na mga POGO service provider ay kulangot lang ito kompara sa nakakamal na padulas nila sa PAGCOR.
Sana, ganap na rin ipagbawal ni Mayor Abby sa Makati pati ang mismong POGO na nauna nang ipinakiusap ni Chinese Pres. Xi Jing Ping sa ating pamahalaan na ipagbawal sa bansa.
At sana, tularan din ng mga LGU sa bansa ang kahanga-hangang hakbang ni Mayor Abby sa Makati laban sa mga Tsekwa.
Kay Mayor Abby, maraming salamat sa malasakit at mabuhay!
NAGBABANGONG-PURI SI “LEON GUERRERO”
GUSTONG higupin ng akusado sa P4.7-M fertilizer scam na si Sen. Manuel “Lito” Lapid (a.k.a. Leon Guerrero) ang natamong tagumpay at karangalan ng ating mga atleta na nanalo sa 30th Southeast Asian Games (SEAG).
Nais niyang masalinan siya ng karangalan kaya’t balak niyang makasama na bibida ang mga nanalong atleta sa isang walang kakuwenta-kuwentang pelikula.
Sino kayang nagpapatiwakal na producer ang nasisiraan ng bait na mamumuhunan para igawa ng pelikula si Leon Guerrero na bukod sa laos ay matanda na?
Hindi na kailangang hulaan ang pakay ni Leon Guerrero na gamitin lang niyang deodorizer na pampabango ang mga nagwaging atleta para ibangon ang sarili sa kakaharaping kaso kaugnay ng P4.7-M fertilizer scam na ipinag-utos buhayin ng Korte Suprema sa Sandiganbayan.
Tiyak na madaramay lang sa kahihiyan ang mga atleta sa pelikula na walang manonood.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid