PITUMPU’T isang taon nang ipinagdiriwang ang Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao.
Isa itong dokumentong nagpapahayag ng di-maipagkakait na mga karapatan ng kahit sino bilang isang tao anuman ang lahi, kulay, kasarian, wika, politika, bansa, pag-aari, o kapanganakan.
Mula noon, taon-taon nang ipinagdiriwang ang Araw ng Karapatang Pantao tuwing ika-10 ng Disyembre.
Ngayong taong ito, matapos ang isang taong mga selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng Kumbensiyon ng mga Karapatan ng Bata — na nagtapos noong 20 Nobyembre 2019 – binalak ng United Nations (UN) na ituon ang pansin sa pamumuno ng kabataan sa mga kilusang kolektibo.
Kahanga-hangang sila na ang pinakikinggan tungkol sa pagtatanggol ng karapatang pantao o pagtutol sa deskriminasyon.
Bakit nga ba mga bata at kabataan?
Sapagkat ang kanilang pagsama at pagsasama-sama ay mahalaga para magtuloy-tuloy ang kanilang simulain.
Malaki ang papel na ginagampanan nila para sa mga positibong pagbabago.
At kapag sila ang nabigyan ng kapangyarihan at natutong ipaglaban ang kanilang karapatan mas marami ang makikinabang sa buong mundo.
Isinakatuparan namin ito noong 2 Disyembre, pero may MH.
Ang Malaking Hadlang na ito ay si Tisoy.
Kaya, sa ikalawang pagkakataon, tiniyak ng mga estudyanteng taga-Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang pagbibigay-saya at iba pa sa mga lola.
Hindi lamang sila basta mga nakatatanda.
Sila ay mga biktima.
Ng paglabag sa karapatang pantao.
Kahit na sabihin ng iba na iyon ay Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
O kahit pa iyon ay panahon ng mga Hapon.
Ano ngayon?
Ngayon, ang pagkakataon para muling ipaalam sa mga kabataan ang kapangitan ng digmaan.
Noong 5 Disyembre, dumalaw ang mga estudyante ko sa Philippine Institution (PI) 100, o mas kilala bilang Rizal course, sa Lila Pilipina.
Gaya ng dati, ito ay isang pagsusulit, patutunayan nila na may kaugnayan si Jose Rizal sa mga kung tawagin ay “comfort women.”
Subalit, ito ay pangatlo lamang sa aming pakay.
Ang pangunahin ay paligayahin namin sila, kahit panandalian lamang sa pamamagitan ng pagdaraos ng maagang Pasko.
Sa diwa ng pagsilang ng ating Mesiyas, naghandog ang mga mag-aaral ng kanilang makakayanan, talino o talento o kung ano pa man, sa harap ng kanilang kaklase at kaeskuwela.
Huli kong ginawa ito noong 2012.
Saksi kasi ang 2013 sa pagkadestino ko sa Philippine High School for the Arts (PHSA) kaya dinala ko rin ang mga lola sa kandungan ni Mariang Makiling.
Dahil sa iba’t ibang dahilan, bukod sa mahabang biyahe o mataas na lugar o walang oras, natigil ang rituwal.
Kung ‘di ako nagkakamali, humigit-kumulang, dalawang dekada ko na silang “inampon.”
Noon, ang kanilang tagapagkalinga ay si Gng. Rechilda Extemadura.
Ngayon, si Gng. Sharon Cabusao-Silva na.
Parang kailan lang.
Kung baga, dati-rati ang Gen X o Y.
Z na kamakailan sila.
Sila ang pinanonood ko habang nagkukuwento si Lola Narcisa Claveria.
Mukha nila ang ginawa kong sukatan kung may saysay ba sa kanila ang ganitong yugto ng kasaysayan.
Tagumpay naman, sa ganang-akin.
Lalo na nang inisa-isa ko ang kanilang mga isinulat na sanaysay tungkol sa kanilang huling kahingian sa PI 100.
Hinihintay ko na lamang ang kanilang pagtupad sa ikalawang layunin.
Wala kaming ibang sadya kundi itaas ang antas ng kamalayan tungkol sa pag-iral ng “comfort women.”
Ito ay pagkakalat ng kanilang mga isinulat sa tulong ng social media.
Ito ang kanilang lengguwaheng inaasahan kong magbubuklod-buklod hindi lamang sa mga walang kaalam-alam sa kanilang mga ipinaglalaban kundi sa mga nakaaalam ngunit walang pakialam!
Walang iniwan sa mga Hapon.
Nasa likod ito ng organisadong pang-aabuso sa kababaihan.
Pinayagan nito ang pagtatayo ng kung tawagin ay comfort station na pinagpaparausan ng kanilang Japanese Imperial Army.
Sa kasamaang-palad, ang mga biktima ay ang mga binisita naming lola.
Ngayon, humigit-kumulang 80 anyos na sila.
Kung noon sila ay mahigit 100, ngayon wala pa silang 10.
Dahil ang karamihan ay pumanaw na, sila ay kinakatawan na ng kani-kanilang mga anak.
O, kung hindi man, apo.
Kung baga, supling na nila ang nagpapatuloy ng kanilang labang kinamatayan.
Ano-ano ba ito?
Una, ang paghingi ng paumanhin sa pamahalaang Hapon.
Ikalawa, ang pagrerebisa ng kanilang teksbuk at iba pang babasahing walang banggit sa kanilang krimen.
Ikatlo, ang kumpensasyon sa mga lola.
Noon kasing 1991, buong tapang na isinigaw kasi ni Kim Hak Soon sa buong mundo na siya ay isang “sex slave” nang sinakop ng mga Hapon ang South Korea.
Ito ang baho na itinatago kahit ng kanilang Emperador.
At ang tatlong nabanggit na bagay ang kaniya ring kahilingan.
Pagkaraan ng dalawang taon, nagkaroon ng tinatawag na “Asian Women’s Fund” (AWF).
Hindi ito galing sa gobyernong Hapon kundi mula sa isang pribadong kompanya.
Sa unang pagkakataon, kahit paano, nailarawan ang “comfort women” sa history textbook ng junior high school sa Japan.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera