BAKIT may mga pelikulang kagaya ng The Mall the Merrier ni Vice Ganda sa Metro Manila Film Festival? Ganyan ang tanong na sinagot naman ng tanong din ni Vice,“ bakit nga ba kasali ang pelikula namin palagay mo?”
Aminin natin, iyang MMFF ay isang trade festival. Bagama’t isa sa mga layunin ng festival na iyan ay mailabas ang pinakamahuhusay na obra ng mga gumagawa ng pelikulang Filipino, hindi natin maikakaila na ang isa sa layunin niyan ay makalikom ng pondo para sa mga manggagawa sa industriya ng pelikula, para labanan ang piracy at iba pa. Ibig sabihin ang festival ay kailangang kumita.
Nakuha ng festival na iyan ang sinasabing pinakamalakas na playdate sa buong isang taon, nang makumbinsi noon ni Presidente Erap Estrada, na noon ay presidente ng PMPPA, at ni Secretary Gimo de Vega ang dating Pangulong Ferdinand Marcos na gumawa ng batas at ideklarang iyang panahong iyan isasagawa ang festival. Pumayag naman at nakipagtulungan ang mga sinehan, pero natural sisiguruhin din naman nila na kikita sila sa panahon ng festival. Iyan ang panahong kumikita talaga ang mga sinehan, eh kung hindi kikita ang pelikulang ipalalabas mo paano ka?
Nagbabayad ka rin ng 13thnmonth pay sa mga empleado mo. Nagbibigay ka rin ng bonus. Puro holidays iyan, ibig sabihin may holiday pay ang mga empleado. Paano kung hindi kumikita ang pelikula?
Iyan ang dahilan kung bakit kailangang may mga pelikulang kagaya nina Vice Ganda at Vic Sotto
kung festival. Iyan ang assurance na kikita ang festival eh. May panahong inalis nila iyan, hindi ba bumagsak ang kabuuang kita ng festival?
Aminin din natin, mas marami ang bumubuo ng masa sa Pilipinas kaysa riyan sa sinasabing mga kritiko na karamihan gumagamit pa ng festival pass at hindi nagbabayad sa sine. Ang gusto ng masa iyang mga pelikulang comedy. Ipagkakait ba ninyo sa kanila ang karapatang maging masaya kung panahon ng Pasko? Ngayon, maliwanag na ba kung bakit laging may pelikula sa festival si Vice Ganda?
HATAWAN
ni Ed de Leon