KUMUSTA?
Kailan kaya raw magiging handa ang Rizal Memorial Stadium para sa South East Asian (SEA) Games?
Bakit daw ‘di agad nasundo ang koponan ng polo ng Indonesia nang tatlong oras sa NAIA?
Limang oras daw namang natulog sa sahig ng hotel ang mga Cambodian bago sila nakapasok sa kani-kanilang kuwarto?
Baka sinadya raw ito pagkat makakalaban natin noon ang kanilang football team ilang oras pagkaraan nilang dumating sa Maynila.
Paano raw ang laban nila sa Myanmar kung hindi makapagpapraktis at makapagbibihis ang mga Malaysian samantala hindi pa tapos ang mga paglalaruang lugar?
Wala raw makain ang mga Singaporean? Wala naman daw mabilhan dito ng halal?
Hindi lamang pagkain kundi paligid na maayos ang hanap ng mga atletang Thai na itinuturing na hari sa kanilang bansa.
Namataan silang parang mga batang lansangan nang mag-ensayo sila sa kalye.
Noong 2017, nagparamdam na pala ang Thailand na handang saluhin ang pagho-host ng SEA Games kasi noon pa pala nagbabalak ang Philippine Sports Commission (PSC) na umurong dahil daw sa gulong nagaganap noon sa Marawi.
Hindi naganap ang pag-atras.
Hindi rin yata nangyari ang pag-abante.
Kaya, heto.
Tayo ang pinagpipistahan ng mga bagamundo sa buong mundo.
Dartboard na tayo ng daigdig.
Nakahihiyang maging Filipino ‘di ba?
Sa kabilang banda, ngayon tayo dapat taas-noo.
Tumibay.
Tumatag.
Tanggapin ang mga pagkakamali.
Humingi ng tawad.
At, hangga’t maaari, huwag nang magturô.
O manduro.
Madugo ang SEA Games.
Inaasahan ang mahigit 9,840 atleta mula sa 11 bansang ASEAN na magtatagisan sa mga 530 event sa 56 o 63 disiplina.
Magbubukas ito sa Sabado, 30 Nobyembre, ika-156 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio.
Kung baga, ang delegasyong Filipino ang inaasahan natin maging bagong Katipunero!
Ang Team Philippines ang Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan.
At ang bawat pakikipaglaban sa iba’t ibang laro ay bawat pagkakataong maiwagayway ang ating bandilang Filipino.
Dito tayo dapat magtuon ng pansin.
Ibaon na muna natin sa limot kung anong sagot ni Gordon Ramsay sa tanong na: “Masustansiya nga ba ang kanin, itlog, at kikiam?”
Ano’t ano man, pihadong sarkastiko rin naman ang kaniyang tugon.
Magmamatigas pa ba tayo?
Kung badyet ang puno’t dulo?
Dahil dito, hindi ko maiwasang maalala ang kung tawagi’y “kapangyarihang malambot.”
Ito ang kakayahan ng isang bansa upang makipagkaibigan at makaimpluwensiya ng mga tao.
Hindi sa pamamagitan ng militar.
Kundi sa tulong ng kultura at iba pa.
Edukasyon ang may malaking papel dito sapagkat magiging mas magalang tayo sa ating kapuwa kung marami tayong alam tungkol sa kaniya.
Bahagi ng respeto ang pagiging sensitibo natin.
Kaya, magiging mas maingat tayo sa ating pagpili ng ating salita.
Wika nga.
At ang pagpapahalagang ganito, o gaya nito, ay wastong pakikipagkapuwatao.
Dahil pinahahalagahan natin siya o sila, mas madalas kaysa hindi, pahahalagahan din niya o nila tayo.
Kung baga, ang mga bagay na ito ang humihikayat sa atin upang ating mahalin ang ating bansa.
Ang mga ito ang nagpapalakas ng ating loob upang huwag tayong matakot.
Ito ang likha ng mga tao.
At hindi ng gobyerno.
Ngayon, paano kaya kung patatakbuhin ang SEA Games ng mga itinuturing na cultural diplomat?
O bakit ‘di kaya muna magsanay sa diplomasyang pangkultura ang lahat ng nasa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC)?
Magiging mga impormal na embahador silang lahat, mula sa itaas hanggang sa ibaba.
May oras pa kaya?
Sana.
Baka hindi tayo nagkaproblema sa sasakyan, pagkain, pag-eensayo, at pagtira sa hotel, bakit hindi tayo nagkaproblema.
Baka sila ang kulang na tulay, hindi pader, ng anumang uri ng pagpapalitang pangkalinangan.
Baka sila ang hinahanap na nagpapadaloy sa salimbayan ng iba’t ibang kultura.
Hindi lamang ito limitado sa palakasan.
Ito rin ay pasok sa sining.
At siyensiya.
Nitong bukana ng buwang ito nagkaroon ng Cultural Diplomacy Partners Consultation Conference sa Manila Diamond Hotel.
Ipinaliwanag ni Undersecretary Ernesto Abella ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mandato ng bago nilang dibisyong Cultural Diplomacy.
Sinusugan siya ng dating sugo na si Eduardo Menez na kasalukuyang Assistant Secretary nang kaniyang ipinagtapat kung bakit dapat may planong estratehiko.
At kung bakit sila nag-anyaya ng mga ahensiyang pampamahalaan.
Isa na nga rito ang Department of Trade and Industry na nagsabing mayroong 28 post sa 21 bansa: Los Angeles, Mexico, New York, San Francisco, Toronto, Washington, D.C. sa America; Berlin, Brussels, Geneva, London, Moscow, Paris, Stockholm sa Europa; Beijing, Guangzhou, Osaka, Seoul, Shanghai, Taipei, at Tokyo sa Silangang Asia; at Bangkok, Dubai, Jeddah, Jakarta, Kuala Lumpur, New Delhi, Singapore, at Sydney sa ASEAN++.
Iniisa-isa ni Atty. Roberto Mabalot ng DTI ang kanilang mga ipinagmamayabang na mga pagkaing Filipino.
Nalaman naming imina-market na pala ang atchara bilang bagong kimchi at moringa bilang bagong kale.
Palakpakan ay nasundan ng halakhakan.
Nang walang ano-ano’y magtanong ang tagapangulo ng National Book Development Board na si Gng. Neni Sta. Romana-Cruz: “Bakit po kaya wala kayong dinadalang libro ng mga lutuing Filipino?”
Katahimikan.
Kumain kaming lahat ng masaganang tanghalian na parang di-natunawan.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera