KUMUSTA?
Sa kauna-unahang pagkakataon idinaos nang Nobyembre ang pinaka-prestihiyosong gantimpalang pampanitikan sa bansa.
Dati-rati, tuwing Setyembre kasi ginaganap ang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Sino nga ba si Carlos Palanca Sr.? Ang tunay niyang pangalan ay Tan Quin Lay noong isinilang noong 1869 sa Xiamen, Fujian, Tsina. Nagbakasakali sila ng kaniyang pamilya noong 1884, noong siya ay 15 taong gulang, sa pagdayo dito sa Filipinas. Nagsilbi muna siya sa pagtulong sa hardware ng kaniyang kamag-anak sa loob ng anim na taon at kinalaunan nagtayo na siya ng kaniyang sarili noong 1890. Noong panahon ng mga Amerikano, kung kailan siya bininyagan bilang Carlos Palanca, siya ay namuhunan sa pagtitinda ng tela. Magpahanggang dumating ang 1902 nang siya ay nagtatag ng isang distilerya na tinawag niyang La Tondeña. Di-nagtagal ito ay naging isa sa pinakamahusay ng pabrika ng alak.
Noon at doon niya sinimulang tumulong paunlarin ang pamanang pangkultura ng mga Filipino sa pamamagitan ng Don Carlos Palanca Awards for Literature na sinimulan noong 1950.
Nag-umpisa muna sa pagpili ng magagaling na Maikling Kuwento, kinalaunan ay nadagdagan ang mga kategorya nito sa Filipino at Ingles: One-Act Play (1953), Poetry (1963), Full-Length Play (1975), Essay (1979), Novel (1980), Short Story for Children (1989), Teleplay (1990), at Screenplay (1994).
Noong 1997, nagkaroon ng mga bagong dibisyon: Iluko, Cebuano at Hiligaynon Short Story.
Pagkaraan nang isang taon, binuksan ang Kabataan (Youth) Essay para sa mga nasa hay-iskul.
Sa bukana ng bagong milenyum, pinapasok din nila ang Future o Futuristic Fiction na naging panandalian lamang.
Humigit-kumulang ang tinaguriang pambansang “Pulitzer Prize” ay mayroong 2,499 premyadong akda sa loob ng 69 taon.
Kaya, minabuti nilang ipagkaloob ang Palanca Hall of Fame sa mga nagwagi ng limang Unang Gantimpala noong 1995.
Unang binigyan sina Cirilo Bautista at Rolando Tinio, na naging mga Pambansang Alagad ng Sining, kasama nina Gregorio Brillantes, Ruth Elynia Mabanglo, Buenaventura Medina Jr., Jesus Peralta, at Rene Villanueva.
Nasundan pa sila nina Ma. Luisa Igloria (1996); Elsa Coscolluela (1999); Roberto Añonuevo, Jose Dalisay Jr., Edgardo Maranan (2000); Leoncio Deriada at Alfred Yuson (2001); Reynaldo Duque (2003); Isagani R. Cruz (2004); Manuel Buising at Luis Gatmaitan (2005); Rodolfo Lana Jr. (2006); Nicolas Pichay (2007); Reuel Molina Aguila at Eugene Evasco (2009); Peter Solis Nery (2012); at Alice Tan Gonzales at Rodolfo Vera (2014).
Ngayong 2019 ang taon ni Lamberto Antonio.
Nagwagi siya ng limang Unang Gantimpala para sa kaniyang kalipunan ng mga tulang pinamagatang Sangkipili ng Uhay (1976), Sa Bibig ng Balon at iba pang Tula (1977), Lilok ng Lilo (1999), at Turno kung Nokturno at iba pang Tiyempo ng Rilyebo sa Pagberso, at isang sanaysay na may pamagat na Bakasin Mo Sa Bakasyon (1999).
Mas kilala bilang Koyang Bert sa larangan ng panitikan at peryodismo, siya ay ipinanganak noong 9 Nobyembre 1946.
Kaya, natanggap niya ang pinakamakasaysayang regalo sa bisperas mismo ng kaniyang kaarawan.
Sa gulang na 73, lumalabas na siya ang pinakamatandang kalahok ngayong 2019 kung kailan 56 ang nagwagi, 32 ang unang beses na nanalo, at 24 ang dati nang may Palanca!
Tubong-Plasinan sa Cabiao, Nueva Ecija, si Koyang Bert ay nagtapos ng A.B. Political Science sa University of the East noong 1969.
Nakapag-aral siya sa tulong ng kaniyang pinsang makalawa — na si Rogelio Mangahas na isa nang propesor noon sa UE — na naging tulay sa kaniya para maging iskolar bilang manunulat sa pahayagang pang-kampus nilang kung tawagin ay Dawn.
Doon, pagkuwan, siya ay naging punong patnugot.
“Ako ang kumuha sa isang guro sa San Miguel High School sa Bulacan,” bida ni Koyang Bert sa panayam ni Jim Libiran sa proyektong Akdang Buhay, “na tuwing Biyernes ay nag-aaral sa UE para sa kaniyang Master of Arts in Education noong 1963 hanggang 1968.”
Ang tinutukoy niya ay walang iba kundi ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario na ang kursong tinapos ay A.B. Political Science din sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1963.
Pinagsulat niya si Rio Alma ng kolum na pinamagatang Kayumangging Lawrel bilang pantapat sa klasikong Talaang Bughaw ni Alejandro G. Abadilla (AGA), ang itinuturing na Ama ng Modernistang Panulaan sa Filipino, matapos niyang sulatin ang tulang Ako Ang Daigdig noong 1940.
Naging magkaibigan silang tatlo ng kaniyang “Dikong Gelio” na hindi lamang magkaumpugang-baso kundi magkapitpitang-bayag lalo na sa kanilang talakayan sa sining at kultura, lalong-lalo sa literatura.
Noong 1964, isang araw habang sila ay nag-iinuman sa Boulevard Restaurant, sa tapat ng simbahan ng Quiapo, idineklara nila ang kanilang papel sa panitikang Filipino.
Tatlong makata silang tumanggap nang mas mabigat na hamon.
Si Ka Roger na noon ay 24 anyos ang tumutok sa dulang pang-entablado samantalang si Ka Verling na noon ay 20 anyos ang nagpursigi sa kritisismo magpahanggang-ngayon.
Siya na noon ay 18 anyos ang nagtuon ng pansin sa tula, kuwento, at dulang pampelikula.
Katunayan, isinulat nila ni Mario O’Hara ang Insiang ni idinirehe ni Lino Brocka at naging kauna-unahang pelikulang Filipino na itinampok sa Cannes Film Festival.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera