PINAIIMBESTIGAHAN umano ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang ilang tiwaling opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa garapalang human trafficking ng Pinoy tourist workers sa ilang mga bansa sa Middle East.
Ang hindi lamang natin tiyak ay kung nasa listahan ng PACC ang tinaguriang ‘Batman and Robin’ na tambalan ng isang opisyal at kawani ng BI sa talamak na human smuggling sa Diosdado Macapagal International Airport-Clark (DMIA-Clark), sa Pampanga.
Kamakailan ay itinampok natin sa pitak na ito si “Al,” isang opisyal ng BI na kamakailan ay balitang nakabili ng bulletproof na sasakyan na hindi bababa sa P10-M ang halaga.
Gaano kaya karami ang atraso at banta sa buhay nitong si Al para bumili ng bulletproof na sasakyan, gayong sa kapal pa lang ng kanyang mukha ay hindi na siya tatablan ng bala?
Marami raw kasing pinahihirapan si Al, ayon sa BI insiders ay iniipit niya ang mga dokumento sa visa extension hangga’t hindi sumusuka ng malaking halaga ang mga aplikante.
Teka, nakadeklara kaya sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Al ang nabiling bulletproof na sasakyan?
Bago pa lang naitatalaga si Al sa kanyang puwesto bilang opisyal ng BI, agad nang nalambat ng mga awtoridad ang isa niyang tauhan, kasama ang kanyang personal driver sa isang entrapment operation.
Huli sa akto ng mga awtoridad ang dalawang tauhan ni Al sa pangongotong ng P1.5-M mula sa isang overstaying na dayuhan.
Naturalmente, hindi naman maglalakas-loob mangotong ang mga damuhong tauhan ng BI official nang walang nag-utos sa kanila.
Una na nating naitampok si alyas Joseph, ang kawani ng BI sa DMIA-Clark at mayhawak ng malaking raket sa DMIA-Clark, ilang buwan ang nakararaan.
Ayon sa ating source, si Al ang padrinong opisyal sa BI na ipinangangalandakan ni Joseph sa talamak na human smuggling at human trafficking ng Pinoy tourist workers sa DMIA-Clark.
Kay Al daw naghahatag si Joseph ng limpak na koleksiyon mula sa mga kasabwat nilang illegal recruiters na sangkot sa illegal deployment ng Pinoy tourist workers sa Iraq at ilang mga bansa sa United Arab Emirates (UAE).
Ang sinasabing kinikita na pinaghahatian nina Joseph at ng padrinong si Al ay hindi bababa sa P800-K kada araw, katumbas ng halagang P40,000 bawat Pinoy tourist worker na pinalulusot sa DMAI-Clark.
Hindi pa kasama sa kuwentada ng koleksiyon ang ilegal na pagpasok ng mga ‘kambing’ ‘este Indian nationals sa bansa.
Ang Indian nationals o Bombay ay kabilang sa mga restricted nationality na hindi pinapayagang makapasok sa bansa nang walang kaukulang visa mula sa ating embahada o konsulada ng kanilang country of origin.
Aywan lang kung isasalang ng PACC sa lifestyle check ang mag-among sina Al at Joseph ng BI para malaman kung tugma sa kanilang suweldo ang naimpok nilang yaman sa loob ng maikling panahon.
Balita rin na si Al ay namedropper, kinakaladkad niya pati pangalan ng ibang tao na alam nating wala naman kinalaman sa kanyang mga raket.
Abangan!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid