MAY nagtatanong, maapektuhan daw kaya ang pelikula sa festival ni Aga Muhlach dahil sa naging resulta ng kanyang huling pelikula?
Sa palagay po namin ay hindi. Magkaiba pong tipo ang dalawang pelikula. Habang ang natapos niyang pelikula ay masasabi ngang “experimental,” iyong pelikula naman niyang kasali sa festival ay isang remake ng isang Korean film, ibig sabihin mas komersiyal iyon. Una dahil may following na, dahil napanood na ang Korean version. Para rin iyan iyong pagsasalin ng mga kuwento mula sa komiks noong araw, kung sabihin nga ang kuwento ay pre sold.
Kung nagustuhan na ng mga tao ang kuwento bago pa man gawing pelikula, panalo ka na sa bahaging iyon, ang kailangan mo na lang pagbutihin ay ang pagbuo ng pelikula lalo na nga ang acting ng mga artista dahil tiyak iyon maikukompara sila sa original. Eh si Aga naman, maaari ninyong ilaban iyan kahit na kanino.
In fact, pinalakas pa nga nila ang pelikula eh, dahil noong una sinasabi ngang ang isa sa mga makakasama riyan ay si Nadine Lustre, na sinabi ng mga producer na pinalitan nila dahil sa hindi magandang resulta ng dalawang huling pelikula niya. Ipinalit nila si Bela Padilla na sinasabi nga nilang mas maganda ang box office records. Ibig sabihin, ang consideration nila sa pelikulang iyan ay kumita.
Iyang panahon ng festival, kahit na noong araw sinasabing iyan ang pinakamagandang playdate. Lahat ng ipalabas mo sa playdate na iyan kumikita. Hindi ba kaya nga atat na atat ang mga indie film na makuha nila ang playdate na iyan. Kaso nga lang bumagsak naman ang buong festival noong lagyan nila ng puro indie.
Palagay namin sa festival, makababawi nang husto si Aga. Huwag lang maging balasubas sa promo ang pelikula.
HATAWAN
ni Ed de Leon