NAGSIMULA ang pelikulang Nuuk ang character ni Aga Muhlach ay napaka-wholesome. Napakabait na character. Hindi mo iisipin na sa simula pa lamang may binabalak na siyang paghihiganti dahil sa pagpapakamatay ng kanyang anak. Iyong biglang pagbabago ng kanyang mga facial expression matapos niyang maisagawa ang paghihiganti, na ang tingin niya kay Alice Dixon ay wala siyang pakialam, palagay namin walang ibang artistang lalaking makagagawa niyon nang ganoon kahusay maliban kay Aga.
Talaga namang magaling na artista si Aga. Kami, open kami sa pagsasabing isa si Aga sa mga actor na hinahangaan naming umarte, at hindi lahat ng sikat na artista, marunong umarte ha.
Iisipin mo, ano ang mali sa pelikula ni Aga at wala halos nanonood niyon sa sinehan? Pumasok kami sa sinehan na naka-slide screening na nga. May warning pa ang takilyera sa amin, “basta wala pong bumili ng tickets kahit na dalawa pa, isasauli na lang namin ang pera ninyo.” Napilitan kaming bumili ng tatlong tickets para masigurong tuloy ang screening at hindi masayang ang oras namin sa paghihintay. After all, ano na nga ba ang presyo ng tatlong ticket kung ang masasayang naman kalahating oras. Mabuti naman at bago nagsimula ang pelikula, may pumasok na apat na iba pang tao. Hindi kami nag-iisang nanood.
Doon sa pelikulang iyon, bilang artista wala kang maibubutas kay Aga eh. Bilang isa sa mga producer, naroroon siguro ang problema. Pero hindi mo masisi si Aga. Co-producers niya ang dalawang big time na gumawa ng malalaking hits noong araw, sina Vic del Rosario ng Viva at Orly Ilacad ng Octoarts. Sa Viva sumikat nang todo si Aga noong i-launch siya sa Bagets. Sa Octoarts ginawa niya ang napakalaking hit na pinagtambalan nila ni Lea Salonga. Eh ano ang nangyari sa Nuuk?
Una, hindi pa handa ang Filipino audience sa mga pelikulang ganyan ang tema. Pangalawa, hindi pa handa ang audience sa pagpapalit ng formula ng pelikula ni Aga. Ikatlo, hindi na naniniwala ang fans sa mga promo sa Facebok, Instagram at kung ano-ano pang social media platforms dahil alam nila na iyan ay puro pra la la lamang, dahil ang nagpo-post binabayaran din.
Naghahanap na ang mga tao ng mga lehitimong kritiko ng pelikula at ang mga iyan ay nasa mga lehitimong diyaryo lamang. Wala sila sa mga diyaryong fly by night, na karaniwan ay pambalot lang ng tinapa sa Divisoria. Naroroon sila sa mga diyaryong binabasa.
Basta ang posts sa Facebook makikita ninyo naka-tag ang pangalan ng mga PRO o ng producers, nagkalagayan na iyan. Hindi na rin pinaniniwalaan ng tao ang mga iyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon