KUMUSTA?
Kahapon, 5 Nobyembre, binuksan ang bagong solong eksibisyon ni Hermisanto.
Gaya nang dati, ang kaniyang midyum ay palay.
Kaya, ang kaniyang mga panauhing pandangal, bukod kay G. Al Ryan Alejandre, ang bagong Executive Director ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ay si Atty. Argel Balatbat, ang Kinatawan ng Magsasaka Partly-list; Dr. John de Leon at Dr. Diadem Gonzalez-Esmero, ang Executive Director at ang PRO ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice); at Dr. Matthew Morell, ang Executive Director ng International Rice Research Institute (IRRI).
Saksi ang kaniyang mga kolektor at kaibigang sina Albert Avellana, Demetrio Bajet, Jr., Engr. Andrew Ong, Quintin Pastrana, at inyong abang lingkod na nasa likod ng Palay, Bigas, Kanin na kalipunan ng mga tula kong ginawang kanta nina Joey Ayala noong 2011.
Tinawag niya itong Talon.
Ito ang Ilokano para sa salitang “kabukiran” o “nayon.”
Nalinang, o naging linang, ang galeriya ng NCCA na siya ring nagbigay sa kaniya ng grant.
Sugal ba itong ganitong eksperimento?
Hindi na ito bago kay Hermisanto.
Isa sa siyang importanteng alagad ng sining noon pa mang dekada ’70.
Iginagalang na ang kaniyang mga eksperimentasyon kahit noong nag-aaral pa lamang siya sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) kung saan siya nagtapos noong 1974.
Biruin mo, kauna-unahan niyang Paperworks Exhibits noong 1989 ay sa labas ng Filipinas.
Sa Edd Aragon Atelier sa New South Wales, Australia pa!
Dangan kasi kasapi na siya noon ng prestihiyosong Remedios Circle na binubuo mag-asawang Syjuco kabilang sina Mars Galang, Gus Albor, Lao Lian Ben, at Roy Veneracion o ang butihing ama ng aktor at pintor ding si Ian Veneracion.
Sa pagpasok ng Dekada ‘80, may bago rin siyang pinasok.
Lumagay siya sa tahimik at tungkulin muna niya sa pamilya ang inatupag niya.
Tinanggap niya ang trabaho sa advertising bagamat hindi pa rin niya mapigilan o matigilan ang pagsali sa mga group exhibit.
Magpahanggang kinailangan niyang mandarayuhan.
Nag-Saudi siya noong 1984 at umuwi noong 1987.
Nakipagkasunduan siya sa kaniyang maybahay.
Pagkatapos niyang mangibambayan, papayagan na siyang gawin ang kahit anong gusto niya.
“Kaya mula 1988,” buong pagmamalaki ni Hermisanto, “hanggang ngayon ay aktibo ako.”
Dekada ‘90 nang mahumaling siya sa installation, performance, at conceptual art.
Ako mismo ang saksi rito nang una kaming nag-perform kasuwato ang ibang miyembro ng Art Lab sa klasikong pagtatanghal na Puting Uwak ni Jean Marie Syjuco sa Little Theater ng Cultural Center of the Philippines noong 1992.
Magpahanggang nakadaupang-palad niya si Junyee na nagtatag ng Indigenous Art Movement.
Noon at doon siya nagsimulang gumamit ng anumang katutubo.
Noon at doon siya nag-umpisang kumatawan sa bansa para sa mga pista ng sining sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Una, sa kauna-unahang Artist Creative Interaction sa Thailand Cultural Center Bangkok noong 1992.
Ikalawa, sa ASEAN Workshop Exhibition and Symposium Aesthetics sa Takashimaya Gallery sa Singapore noong 1995.
Nasundan ito ng iba’t ibang palabas: Sinlikan ni Hermisanto (1990) sa Alliance Francaise Gallery sa Makati; Seryeng Papel ni Hermisanto (1995) sa Penguin Café Gallery sa Malate; Palitang Hermisanto (2002)( sa Big & Small Gallery sa SM Megamall; Fire Dancer (2004)( sa Slot Gallery sa Alexandria New South Wales, Australia; Perang Pinoy ni Hermisanto (2005)( sa Mag:net Gallery sa Paseo de Roxas, Makati; Laguna ni Hermisanto (2007) sa Sining Makiling Gallery sa UP Los Baños, Laguna; Piyesang Hermisanto (2009) sa Obra Gallery Café sa Oranbo, Pasig; Palayan ni Hermisanto (2011)( sa Avellana Art Gallery sa Pasay; Dalawang Daan ni Hermisanto I (2014) sa Executive House ng UP Diliman; Dalawang Daan ni Hermisanto II (2014) sa Lipa Medix Medical Center sa Lipa, Batangas; Booth #15 ni Hermisanto (2015) sa( SM Megatrade Hall 1 and 2 ng SM Megamall; A Painting Exhibit ni Hermisanto (2015) sa New Internal Medicine Building sa Batangas Medical Center, Batangas City; Inaugural Solo ni Hermisanto (2016) sa( Lipa Medix Medical Center sa Lipa, Batangas; Mga Hiwaga sa Palayan ni Hermisanto (2016) sa The Crucible Gallery ng SM Megamall; A Dose of Art by Hermisanto (2017) sa The Premier Medical Center sa Alabang, Muntinlupa; at Through The Years (2019) sa Wack-Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong.
Teka, bakit palay?
Ani Hermisanto: “Di ba palay ang simbolo ng totoong espiritung Asyano?”
Napapanahon nga ito.
Ngayong panahon ng mga mambabatas at mamumuhunang siya ring dahilan kung bakit nagiging subdibisyon ang mga talon.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera