EWAN kung ang kontrobersiyal na paring si Fernando Suarez nga ang spiritual adviser ngayon nina Gretchen at Claudine Barretto. Ang kontrobersiyal na pari ay nakita sa isang picture na kasama nila sa isang lunch para sa ilan nilang kaibigan, kasama rin ang kanilang inang si Inday Barretto.
Si Gretchen ay kabilang sa isang grupo ng mga “born again” Christian. Si Suarez naman ay isang paring Katoliko, pero sa ngayon ay may naging problema sa hierarchy ng mga obispong Katoliko kaya hindi na ninyo siya nakikitang nagmi-misa sa telebisyon o saan mang pampublikong lugar kagaya ng ginagawa niya noong kadarating pa lamang niya galing sa Canada na roon siya na-ordenan.
Kung si Suarez ang kanilang spiritual adviser sa ngayon, aba eh kontrobersiyal na nga silang pare-pareho.
Pero tama rin naman na magkaroon sila ng isang spiritual adviser. Actually ang dapat nga ay magkaroon sila ng isang personal confessor na makapagbibigay sa kanila ng payo tungkol sa mga nangyayari sa kanilang buhay. Kadalasan may mga bagay kasing sa ating katuwiran ay tama, pero medyo lihis pala, at diyan dapat pumasok ang isang confessor o spiritual adviser.
Pero kung kami ang tatanungin, hindi dapat na pumili ng isang paring sikat. Mas mabuti nga kung ang confessor ninyo ay isang paring kilala ninyo, at kilala kayo. Kasi siya iyong mas makapagbibigay ng tama at makabuluhang payo. Kasi alam niya ang buhay ninyo kung ano. Naiintindihan niya kayo.
Maitatanong ninyo ngayon, ”eh paano kung itsismis ako, kilala ko pa naman.”
Hindi po maaaring gawin iyon ng isang pari, dahil oras na gawin niya iyon, alam niyang tiwalag na siya hindi lang bilang isang pari kundi bilang isang Katoliko rin. Sino ang gagawa ng ganoon? Ang sikreto nga, kung gusto ninyong matahimik ang isang paring kakilala ninyo tungkol sa inyo, ikumpisal ninyong lahat sa kanya, wala na siyang masasabi.
HATAWAN
ni Ed de Leon