GAANO kaya karami ang banta sa buhay ng isang opisyal sa Bureau of Immigration (BI) para bumili ng bullet proof na sasakyan?
Marami sigurong atraso ang damuhong BI official kaya’t siya ay nagpasiyang bumili ng bullet proof SUV na P10 milyon ang halaga.\
Para sa BI insiders, ang pangunahing atraso ng BI official na kanilang alam ay modus niya na ipitin ang approval sa mga dokumento hangga’t walang hatag na suhol sa kanya.
Daig pa nga raw ng BI official ang among si Commissioner Jaime Morente sa rami ng back-up na sasakyan at security escorts.
Saan kaya kinuha ng BI official ang ipinambili sa bullet proof na SUV?
Isang tauhan niya ang kamakailan ay naaresto sa entrapment dahil sa pangingikil ng P1.5-M para mapalaya ang isang overstaying na dayuhan.
Sa naganap na entrapment ng pangongotong, kasama ng naarestong tauhan niya pati ang personal driver ng BI official.
Sa sobrang kapal, tatablan pa kaya ng bala ang mukha ng nasabing BI official?
PAGPATAY KAY NAVARRO SABOTAHE KAY DIGONG?
MISMONG si Pang. Rodrigo “Digs” Duterte ay dudang mga pulis din ang may kinalaman sa pagpaslang kay Mayor David Navarro ng Clarin, Misamis Occidental.
Kaya naman sa National Bureau of Investigation (NBI) ipinaubaya ni Pres. Digs ang paglutas sa nangyaring pananambang kay Navarro nitong nakaraang linggo sa Cebu.
Si Clarin ay dadalhin sana ng mga pulis sa Cebu City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings noong Biyernes.
Habang sakay ng police vehicle ay bigla na lamang umeksena ang mga armadong kalalakihan, kinuha si Navarro mula sa loob ng sasakyan at saka binaril sa harap mismo ng mga unipormadong pulis na magdadala sa kanya sa Prosecutor’s Office.
Una, kung karaniwang mga kriminal ang nagtumba kay Navarro ay niratrat na rin sana pati ang mga police escort na magdadala sa kanya sa Prosecutor’s Office.
Ikalawa, may isa pang police vehicle ang nakabuntot sa sinasakyan ni Navarro at ng mga police escort na ni isa man lang sa kanila ay walang gumanti ng putok sa mga salarin.
Sa madaling sabi, balbon ang pagkakadisenyo sa isinagawang krimen kay Navarro.
Hindi ba dapat sana’y relieved kaagad ang mga police escort ni Navarro na maghahatid sana sa kanya sa Prosecutor’s Office habang iniimbestigahan ang kaso?
Wala kayang balak si acting PNP chief Lt. Gen. Archie Gamboa na sibakin din ang regional at provincial police director na may sakop sa Cebu habang nag-iimbestiga ang NBI?
Bale ba, dalawang linggo bago mapatay si Navarro ay nakipagkita pa siya kay Pres. Digs sa Palasyo.
At ayon sa pangulo, si Navarro ay sumuporta sa kanya noong kampanya para sa 2016 elections.
Ayon din sa pamilya, mga pulis ang kinatatakutan ni Navarro sa mga natatanggap na banta sa kanyang buhay.
Kaya’t tanga na lang ang hindi magsususpetsang mga pulis ang yumari kay Navarro.
Wala kayang sumasabotahe sa pangulo mula sa hanay ng PNP?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid