“NAKIPAG-USAP na ako sa mga lider ng pribadong sektor diyan sa Escolta. Nasabi ko na sa kanila iyong idea ko na iyong dalawang saradong sinehan sa Escolta ay ayusin at buksang muli para riyan natin mailabas iyong ating mga artistic film. Iyong mga art films kasi, halos walang chances na makakuha iyan ng sinehan sa malls dahil naghahabol sila ng mga pelikulang commercially viable. Riyan sa Escolta, dahil ang plano naman ni Yorme ay gawin iyang lugar ulit para sa mga turista, maganda na riyan natin ilabas ang ating magagandang pelikula. Mukhang ok naman ang idea sa mga kausap ko, kaya natutuwa ako.
“Isa pa iyong dating building ng Monte de Piedad sa Santa Cruz, may plano na iyan ay gawing isang museum. Makatatawag din ng pansin iyan sa mga turista kung matutuloy. Ako bilang congressman nila nakahanda akong tumulong sa anumang magagawa ko para matuloy ang lahat ng mga proyektong iyan, pero ang involved diyan ay pribadong sektor, dahil sila ang may-ari ng properties diyan eh, “ sabi ni Congressman Yul Servo.
May ginagawa ring pelikula ngayon si Yul para sa cable channel ng HBO.
“Dumating na rin kasi sa akin iyong hinahanap ko ang pag-arte. Artista kasi ako eh. Ang hirap iwanan at talagang hahanapin mo. Ako ngayon, ni hindi ko na nga tinatanong ang bayad eh. Basta magandang pelikula na mailalabas ko ang talent ko, at siyempre makatutulong naman sa advancement ng industriya dahil maganda nga, gagawin ko kahit walang bayad.
“Mahalaga rin naman iyong pera, sino ba ang hindi nangangailangan niyon. Ako kailangan ko rin dahil sa rami ng nanghihingi ng tulong na mga kababayan natin. Pero hindi na namin pag-uusapan iyon. Basta magandang project at gusto ko, magagawa ko iyan nang walang problema,” sabi pa ni Yul.
HATAWAN!
ni Ed de Leon