KUMUSTA?
Bukas, 24 Oktubre, si Dr. Galileo Zafra ay magbibigay ng panayam na pinamagatang Ang Balagtasan: Kasaysayan at Transpormasyon ng Isang Anyo ng Pangangawitran.
Pinakiusapan niya kami ni Dr. Michael Coroza na magtanghal kahit wala ang T – na si Teo Antonio na ngayo’y nasa California – sa grupo naming kung tawagin ay MTV.
Upang maging napapanahon, ang pinili naming paksa ay Sino ang Dapat Sisihin sa Paglala ng Korupsiyon: Ang Lider ba o ang Mamamayan?
Pagdiriwang kasi ito ng ika-40 Pambansang Kumperensiya sa Kasaysayang Lokal at Pambansa sa Pambansang Museo.
Pihadong mas kinasasabikan ang pagtatagpo-tagpo muli ng mga kasapi ng Philippine National Historical Society Inc. (PNHSI), ang pinakamatandang organisasyong propesyonal at boluntaryong nag-aaral at nagsasaliksik sa kasaysayang Filipino.
Itinatag noon pang 2 Pebrero 1941.
Bagamat may nauna rito – gaya ng Asociación Histórica de Filipinas na itinayo ni Felipe G. Calderon noong 1905 at Sociedad Histórico-Geográfica de Filipinas na itinatag 1916 o 1917 ng grupo ng Filipinistang si Carlos A. Sobral – subalit ang mga ito ay nabuwag na makaraang makapaglathala ng kani-kanilang Revista Histórica de Filipinas at Boletín.
Ayon kay Dr. Bernardita R. Churchill, ang presidente at punong-abala sa kumperensiya: “Tampok sa unang araw ay paggagawad kay Prof. Dr. Samuel K. Tan ng Lifetime Achievement Award.”
Si Dr. Tan ay maituturing na pinakaprominenteng historyador ngayon, lalo na tungkol sa Filipinong Muslim matapos niyang sulatin ang kasaysayan ng Mindinao at Sulu sa loob ng 40 taon. Isinilang siya sa Siasi, Sulu mula sa angkang Tausug-Samal-Tsino. Nakapagtapos siya ng di-iilang kurso: B. Theology, Ebenezer Bible College; B.A.(History), summa cum laude, sa Zamboanga A.E. Colleges; M.A. History sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman; at Ph.D.Social Science sa Syracuse University sa Estados Unidos.
Awtor siya ng mga aklat na ito: Sulu under American Military Rule, 1899-1913 (1968);
The Filipino Muslim Armed Struggle, 1900-1972 (1977); A History of the Philippines (1987,1997); Internationalization of the Bangsamoro Struggle (1993); The Critical Decade: 1921-1930 (1993); The Socio-Economic Dimension of Moro Secessionism (1995); The Filipino-American War, 1899-1913 (2002); Islam in the Philippines (2003); The Muslim South and Beyond (2010); The Bible as History (2014), at marami pang ibang hinggil sa Kamindanawan.
Subalit, lingid sa kaalaman ng nakararami, siya rin ang nasa likod ng mga librong Ferdinand E. Marcos and the Filipino Military Tradition, Vol. I: From Warrior to Tradition (2006) at The Armed Forces of the Philippines During Martial Law 1972-1986.
Ilan lamang ang kaniyang akda sa mga mungkahing babasahin para sa bagong aralin sa General Education (GE) — ang Philippine Studies (PS) 21 o Wika, Kultura, at Panitikan sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas.
Noon kasing 9 Setyembre – 47 taon matapos ideklara ang Martial Law noong 21 Setyembre 1972 — inaprubahan ito ng UP University Council na ituro ng aming Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) sa Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) simula sa susunod na semestre.
Nitong Lunes, 21 Oktubre, ibinunsod naman sa makasaysayang Palma Hall mismo ng UP Diliman ang isa pang babasahin.
Ito ang Plakard: Tala at Karanasan sa Ilalim ng Batas Militar na inilimbag ng Isang Balangay Media Productions nina Ronald Verzo at Beverly Siy.
Isinulat ito ng walang iba kundi si Dr. Efren Reyes Abueg (ERA) na ginawaran ng Alab ng Haraya Lifetime Achievement Award for Literature ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) noong 2002.
Isa si ERA sa limang manunulat ng klasikong antolohiya na pinamagatang Mga Agos sa Disyerto (1964, 1974, 1995, 2010).
Nagwagi siya ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature para sa maikling kuwento samantalang nanalo siya ng Gantimpalang Liwayway para sa nobela. Ilan sa kaniyang libro ay Dilim sa Umaga (1967), Mga Kuwento kay Jesus (1994), Bugso, Maiikling Kuwento (1995), Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon (1998), Mga Kaluluwa sa Kumunoy (2002), Dramatic Legal Cases (2005), Bukal sa Pampanitikan, Sanaysay, at Maiiklling Kuwento (2014), at Huwag Mong Sakyan ang Buhawi (2014).
Sa panayam sa kaniya ni Dr. Jimmuel Naval para sa seryeng Akdang Buhay ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing, inamin ni ERA na pinatigil siya ng Martial Law sa pagsulat.
Dalawang taon din ang nasayang sa kaniya.
Kaya, ginugol niya ang panahong iyon para sa mga libro nina Marcos at Marx.
“Ako ang may pinakamalaking koleksiyon sa De La Salle University,” pagtatapat niya.
At ito ang gintong aral sa pagbabasa ni ERA.
At ng pagbabasa na rin kay ERA: “Dapat magkaroon tayong mga Filipino ng sarili nating ideolohiya.”
KUMUSTA?
ni Vim Nadera