NAGHAIN na raw ng kaso ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban kay dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde at sa tinaguriang “Ninja cops” na sangkot sa modus na ‘agaw-bato’ noong 2013 sa Pampanga.
Si Albayalde ay sinampahan ng mga kasong kriminal: paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) for misappropriation; misapplication or failure to account for the confiscated; seized and/or surrendered dangerous drugs; at nahaharap din sa kasong paglabag sa Section 3 (a) at (e) ng Anti-Graft Law.
Kasunod ng paghahain ng kaso ay mabilis na sinabi ng PNP na dapat daw ipalagay na inosente si Albayalde at ang 13 Ninja cops hanggang mapatunayang nagkasala, anila:
“The PNP will let justice, fairness, and due process of law take its course. All accused remain innocent until proven guilty.”
Sang-ayon tayo sa PNP, alinsunod nga naman sa Saligang Batas:
“A person is presumed innocent until proven guilty.”
Ang problema, tila salungat at hindi aplikable ang sinasabi ng batas sa kaso ni Albayalde at ng mga dati niyang tauhan.
Ibig sabihin, ang tinutukoy sa batas ay mga akusado pa lang na ang kaso ay wala pang pasiya.
Base na rin sa mga pangyayari, ang 13 Ninja cops ay una nang napatunayang nagkasala pero naparusahan lamang ng ‘demotion’ matapos na hindi maipatupad ang unang hatol na ‘dismissal’ laban sa kanila.
Kaya’t ang sitwasyon ni Albayalde at ng 13 Ninja Cops ay baligtad sa ginagarantiyahang karapatan ng mga akusado sa ilalim ng ating Saligang Batas.
Dahil din sa nasabing kaso, nasibak si Albayalde bilang noo’y provincial director ng Pampanga.
Hindi kaya mali ang paniwala ng PNP, at mas angkop na ipalagay na “guilty or otherwise” ang 13 Ninja Cops?
Tama po ba ang pagkakaintindi natin sa batas, acting PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa at Atty. Estelito Mendoza?
PMA CLASS ’87, ’88
IPALIT NA PNP CHIEF
TATLO ang rekomendado ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na kanyang isinumite kay Pang. Rodrigo “Digs” Duterte na papalit sa binakanteng puwesto ni Albayalde bilang bagong hepe ng PNP.
Kabilang sa isinumiteng shorlist sina Lt. Gen. Camilo Cascolan, Maj. Gen. Guillermo Eleazar, at Lt. Gen. Archie Gamboa.
Sina Gamboa at Cascolan ay ‘mistah’ o classmates ni Albayalde sa Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class of 1986 at magreretiro sa Setyembre at Nobyembre 2020, ayon sa pagkakasunod.
Si Eleazar naman ay kabilang sa PMA Hinirang Class of 1987 at sa November 2021 pa nakatakdang magretiro sa serbisyo.
Pero ang pangulo ay maaari pa rin pumili ng iba na na nais niyang italaga kahit wala sa listahan na isinumite sa kanya basta’t may ranggong Brigadier General, ayon sa tuntunin.
Ibig sabihin, puwedeng pumili ng sarili niyang kursunada si Pres. Digs ng kapalit ni Albayalde na hindi susundin ang seniority at labas sa Class ‘86 at ‘87 ng PMA basta’t may isang estrelya na nakapatong sa balikat.
May mga nangangamba na mabalewala rin ang kasalukuyang rigodon at inisyatibo na maibangon ang imahen ng PNP na namantsahan sa kaso ng Ninja Cops kung sa mga classmate ni Albayalde magmumula ang ipapalit sa kanya.
Hindi sa ano pa man, pero mas magiging makatotohanan ang reporma sa PNP kung isasantabi na ang pagpili sa mga nasa hanay ng PMA Class ‘86 at ikonsidera ang pagsasalin ng liderato sa ‘87 at ‘88.
‘Yan naman ay kung mas may pagpapahalaga ang PMA Class ‘86 na maisalba ang PNP bilang institusyon alang-alang sa bansa at mamamayan.
Puwede rin naman magretiro na lang sila nang maaga at igawad ang katumbas na ranggo at insentibo ng isang PNP chief, katulad nang iginawad na kay Senior Associate Justice Antonio Carpio na nagretiro sa Supreme Court.
Baka sakaling magsilbing leksiyon ito na susundan at mabuting halimbawa na pagtutularan hindi lamang sa PNP kung ‘di sa lahat ng sangay ng ating pamahalaan.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid