IPINAGMAMALAKI nilang napili na namang best actress si Nadine Lustre roon sa Asian Academy of Creative Arts dahil sa kanyang pagganap sa role niya sa pelikulang Ulan. Maliban sa sinabing iyang award giving body ay Singapore based, wala silang ibang detalye.
Mas maganda sana kung nasabi rin nila kung sino-sino ang tinalo ni Nadine, at kung ano-anong bansa ba ang naglaban. Mas maganda rin kung sana ay may background tayo kung ano nga ba iyang akademyang iyan na nagbibigay ng awards sa Singapore at kung paano nila napili ang mga artista at pelikula. Kaya lang walang detalye eh.
Pero iyang pelikulang Ulan, sinasabi maging ng kanilang producers na nag-rehistro lamang ng kabuuang P30-M kita nang ipalabas sa Pilipinas, kaya isa rin nga iyon sa mga dahilan kung bakit sinasabi nilang ipinalit nila si Bela Padilla sa festival movie na dapat na maging bida si Nadine kasama si Aga Muhlach.
Sa ngayon, hindi awards ang kailangang makuha ni Nadine. Kung gusto nilang makabawi si Nadine, mas kailangan siyang bigyan ng isang pelikulang kikita naman sa takilya. After all aminin natin, iyon naman ang mahalaga eh. Kahit na anong award pa ang mapanalunan mo, kung hindi kumikita ang pelikula mo wala rin. Kung bagsak ang mga pelikula mo, maski networks takot sa iyo dahil tiyak hindi ka makapag-aakyat ng ratings na kailangan nila para sila kumita.
Sa ngayon doon dapat na mag-concentrate si Nadine. Bago iyong kung ano-anong awards, o kung ano-anong angal at sama ng loob, isipin muna nila ano bang proyekto ang maaaring ipagawa kay Nadine na kikita ng malaki para naman makabawi siya?
HATAWAN
ni Ed de Leon