HABANG abala sa pirmahan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Universal Health Care Law (UHC) – o ang Republic Act No. 11223 — ang Kalihim ng Department of Health (DOH) na si Dr. Francisco Duque III, nasa ikasampung palapag naman ang kaniyang mga kawani upang ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Lusog-Isip.
Ginanap ang dalawang makasaysayang okasyong ito noong 10 Oktubre sa Manila Prince Hotel sa Ermita, Maynila.
Sa paksang Scaling Up Mental Health Interventions: Unifying Efforts Towards Saving Lives, ang ikatlong Public Health Convention on Mental Health ay sinimulan sa pamamagitan ng pagpapatunay na ang DOH ay sensitibo pagdating sa kultura.
O sa wika.
Ibinunsod din nila kasi ang bersiyong Filipino ng Quality Rights E-Training Platform sa tulong ng World Health Organization (WHO) at Sentro sa Salin at Araling Salin ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST).
At kung habang ang ibang nasa puwesto o poder sa gobyerno ay nagdadalawang-isip sa pananaliksik, hindi nagpatumpik-tumpik tungkol dito ang DOH.
Sa halip, sinalungguhitan nito ang halaga ng pag-aaral ukol sa Lusog-Isip.
Saksi ang buong hapon sa mga sunod-sunod na presentasyon: Defining The Mental Health Research Agenda in the Philippines ni Dr. Lucita Lazo ng World Association for Psychosocial Rehabilitation, Finding Kagalingan among Apparently Healthy Filipinos: Some Insights from the Philippine LIFECARE Cohort ni Dr. Nina Castillo-Carandang ng College of Medicine ng University of the Philippines (UP) Manila, Analyzing Mental Health in the Philippines: Perception, Access, and Delivery ni Dr. John Gabriel Hernandez ng Ateneo School of Medicine and Public Health, Philippine Prevalence Survey of Mental Health Condition ni Dr. Marissa de Guzman ng UP Philippine General Hospital, at National Disability Prevalence Survey (MDS Philippines) ni Bb. Plenee Grace Castillo.
Tapos, nagkaroon ng talakayang tahimik.
Ito ay nang usisain ng isang maykapansanan, sa tulong ng isang interpreter, kung bakit wala ni isang nagsalita o nagsaliksik mula sa kanilang sektor, lalong-lalo na sa mga tulad niyang di-nakaririnig.
Sa kabilang banda, hinanap naman ng isang maykaramdaman ang pagtutuon ng pansin ng karapatang pantao ng mga pasyente.
Habang ang lahat ay nagmemeryenda, binasag ng isang nagtanong ang food trip nila: “Kung magaling na po ba ako, mawawala na rin po ba ang aking mga diskuwento?”
Nilunod ng halakhakan at palakpakan ang tugon sa kaniyang kuwestiyon.
Subalit, ang nagmistulang finale nang ianunsiyo ang mga nanalo sa proyekto ng Foundation AWIT o Advancing Wellness, Instruction, and Talents.
Ito ay ang pagsulat ng tanaga o ang katutubong tula na may apat na taludtod na may tig-pipitong pantig, tungkol sa pagdiriwang sa buhay.
Tatlo silang itinanghal na Makata ng Araw ng Lusog-Isip.
Una, si Jericho Medel – na kumukuha ng M.A. Clinical Psychology sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) habang nagsisilbi bilang Psychologist 1 sa Elsie Gaches Village – ang sumulat ng sumusunod:
Minsan ika’y nabigo,
Ngunit dapat lumago.
Isip dapat magbago.
Ito ay simulan mo.
Ikalawa, si Jay Ar Lamson – na isang alumnus ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Department of Political Economy na nasa likod ng Project SiBol (Siling Bangbangolan) na naging pinakamahusay na proposal noong 2018 National Young Leaders Conference (Luzon) at nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa SDG Challenge ng Seton Hall University of New Jersey – ang maygawa nito:
Dahon ay sumasayaw,
Ibon ay humihiyaw.
Tayo ay h’wag malumbay
Sa buhay magtagumpay.
Ikatlo, si Lichelle Parreño — na nagtapos ng B.S. Electronics and Communications Engineering (ECE) mula sa Notre Dame of Marbel University (NDMU) at nagkamit ng sertipikasyon para sa Teaching English as a Foreign Language (TEFL) Teaching English to Speakers of Other Languages (TESOL) samantalang isa siyang empleyado sa National Center for Mental Health (NCMH) – ang lumikha ng tulang ito:
Pag ika’y may problema,
H’wag matakot, mangamba.
Tumawag ka sa Kan’ya
At tutulungan ka N’ya.
Ang paggamit ng Literatura para itaguyod ang Lusog-Isip ay una naming isinakatuparan noon pang 2012.
Ipinagdiwang ito sa pamamagitan ng Dionatext Kontra Depresyon. Ang mga sumusunod ang apat na itinanghal na Textmakata sa apat ng linggo ng Oktubre:
Di na sana didilat
pagkat walang natupad
buti, libre mangarap!
RUEL A. SOLITARIO
Natrapik ang tagumpay
Sa kalyeng puro hukay
Antay lang, h’wag malumbay.
JOEL COSTA MALABANAN
Kung may virus ang utak,
Nagha-hang ang pangarap
— Bakit di mag-reformat?
FILLIFFE ANORICO
Nang malaglag ang dahon,
may mga bagong usbong
— luntian at mayabong.
FRANCISCO MONTESEÑA
Umani ng humigit-kumulang 10,000 dionang pinili ng mga huradong sina Pambansang Alagad ng Sining na si Rio Alma, Dr. Michael Coroza ng Ateneo de Manila University, Dr. Japhet Fernandez de Leon ng Psychiatric Association of the Philippines, at Dr. Dinah Nadera ng Foundation AWIT (Advancing Wellness, Instruction, and Talents).
Ngayon, sa gitna ng kapangitan sa lipunan, may iba pa bang paraang mas malikhain para ipagdiwang ang buhay?
KUMUSTA?
ni Vim Nadera