IPINAGMALAKI ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang napaulat na pitong tourist workers ang naharang umano ng kanyang mga tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago makaalis patungong Malaysia, kamakailan.
Ayon kay Morente, lima sa kanila ay peke ang mga dokumento at mula sa Malaysia magtutungo sana sa Australia para magtrabaho.
Napag-alaman pa umano ng mga BI personnel sa NAIA na kasama ng grupo ang isang babae na may mga nakabinbing kaso ng estafa at illegal recruitment.
Umamin daw na nagsipagbayad sila ng halagang mula P125,000 hanggang P175,000 sa recruiters na nagproseso ng kanilang mga papeles upang makaalis at makapagtrabaho sa nasabing bansa.
Ang ipinagtataka natin, kung sa bansang Australia ang tungo nila ay bakit kailangan pa nilang dumaan sa Malaysia?
Sakali ba na nakaalis sila at hindi naharang halimbawa, pagdating ba nila sa Malaysia ay magic, biglang magiging tunay ang gamit nilang dokumento para makapasok sa Australia?
Hindi kaya pinaglololoko kung ‘di man pinaiikot na parang turumpo ng kanyang mga tauhan sa NAIA si Morente?
Sa pagkakaalam natin, isa ang Australia sa mga bansa na kilalang mahigpit ang Immigration kaya’t imposibleng mapalusutan ng mga nagbabalak pumasok sa kanila na peke ang gamit na dokumento.
Ibig sabihin, saan man airport o paliparan sa Australia sila lumapag, tiyak na sa Immigration pa lang ay sasalto na ang sinomang magtatangkang pumasok na peke ang dokumento.
Nunca. Wala pang maunlad na bansang gaya ng Australia na napabalitang nakipagsabwatan ang kanilang Immigration personnel sa sindikato ng human trafficking at illegal recruiters – dito lang sa atin.
Duda tayo na gawa-gawang kuwento lang ito ng mga tauhan ni Morente.
Posible, kung totoo man, hindi sa Australia ang destinasyon ng mga sinasabing tourist workers na naharang sa NAIA kung ‘di sa bansang Iraq na kasalukuyang ban ang deployment o pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs).
Nitong Sabado, 106 distressed overseas Filipino workers ang dumating sa NAIA Terminal 2 mula sa Dubai, UAE na sinasabing biktima ng human trafficking at illegal recruitment.
Hindi pa maliwanag kung paano sila sabay-sabay na pinabalik sa bansa mula sa Iraq.
Isang emergency meeting ang ipinatawag ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa mga kasaping ahensiya ng gobyerno na ginanap sa DFA noong Biyernes ng umaga.
Nagsimula ang lahat noong October 4, inalarma ng DFA ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) base sa report ng ating Embahada tungkol sa 30 Filipino workers na may approved visa na makapagtrabaho sa Al Karam Restaurant sa Baghdad.
Sa liham ng DFA sa IACAT, ang 30 OFWs na pawang ni-recruit sa pamamagitan ng social media (Facebook) at nakatakdang umalis kung ‘di man sa NAIA ay sa Diosdado Macapagal International Airport (DMIA) sa Clark patungong Dubai na tourist visa ang gamit bago dumeretso sa Baghdad.
Bago makarating sa Baghdad, ang Pinoy illegal workers ay nagpapanggap munang mga turista patungong Dubai, Bangkok at Kuala Lumpur.
Paano sila nakaalis ng bansa gayong may umiiral na deployment ban ng OFW sa Iraq?
Pakibusisi nga ang mga departure stamp na nakatatak sa passport ng mga pinauwing tourist workers upang malaman kung sino sa mga tauhan ng BI ang sangkot sa human smuggling na kasabwat ng illegal recuiters na travel agency.
Oras na para umeksena ang Senado at mag-imbestiga sa talamak na human trafficking ng illegal workers sa Iraq.
Abangan kung may cover-up!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid