NAKAKUWENTUAN namin si Mayor Lani Mercado noong isang gabi, at naipagtanggol niya ang actor at mayor ng Ormoc na si Richard Gomez dahil sa ginawa niyong bakasyon sa abroad.
“Baka hindi nila alam, allowed ang mga mayor na magkaroon ng 30 days na bakasyon sa loob ng isang taon. Bahala ka kung saan mo gustong magbakasyon. Kaya ka nga may vice mayor eh, kaya nga may council. Hindi dahil bakasyon si mayor, hindi na maaaikaso ang bayan.
“Ako man nagbabakasyon din. Mahirap ang trabaho ng mayor, kasi ang duty mo 24 oras talaga eh. Huwag mong sabihing madaling araw, kung may mangyayari gigisingin ka. Iyon lang may bagyo, hindi ka agad makapagdeklara na walang pasok, sasabihin agad, wala pang balita kasi tulog pa si mayor.
“Hindi ka naman basta magdedeklara ng ganoon, kailangang alamin mo muna ano ba ang sinasabi ng PAGASA. Iyong lugar mo ba ay apektado na. Kasi sasabihin naman nila, nagsuspinde ng pasok tapos mainit ang araw.
“Minsan nga sinasabi ko kay Bong eh, mas ok siya dahil ang trabaho niya sa sesyon at sa office lang. Ganoon din ako noong congresswoman pa lang. Pero ngayong mayor ako, kahit na anong oras gigisingin ka. Iyong bahay mo kalimutan mo na ang privacy. Itanong ninyo iyan kahit na kay Ate Vi (Vilma Santos) kung hindi ganyan din ang experience niya. Pero gusto mong magsilbi sa bayan kaya tiisiin mo,” sabi ni Lani.
Ngayon may ginagawa siyang pelikula, mabuti naman tinanggap niya iyon.
“Guest role lang naman iyon. At sabi ko nga sa kanila tatanggapin ko iyon come what may, kasi makakasama ko si Maine Mendoza, at fan niya ako. Minsan hinahanap ko rin naman ang pagiging artista ko. Pero minsan lang iyan, kung hindi masyadong gipit ang oras bilang mayor,” sabi pa ni Lani.
HATAWAN
ni Ed de Leon