KAILANGAN muna sigurong may mga kababayan tayong mapahamak at maabuso para mag-aksaya ng panahon ang mga mambabatas sa Senado at Kamara na imbestigahan ang talamak na human smuggling at deployment ng Pinoy tourist workers sa ilang mga bansa sa United Arab Emirates (UAE).
Wala sa bokabularyo ng mga tiwaling ahente at kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang salitang malasakit, basta’t ang mahalaga ay magkamal sila ng salapi para yumaman.
Mistulang mga kambing pala na ginawang bantay ng repolyo ang mga tiwaling ahente at kawani ng BI sa mga pambansang palusutan, este, paliparan.
Sa Cebu at Davao ay dagsa ang palusutan ng Pinoy tourist workers dahil sa mga tiwaling kawani at ahente ng BI na walang kasawa-sawa sa pagkita ng salapi na nasa likod ng sindikato ng human smuggling.
Katuwang ng masisibang BI agents at employees ang mga alagang illegal recruiter na travel agencies na nagpapasasa sa deployment ng undocumented OFWs at Pinoy tourist workers patungong UAE.
Aba’y, mga wala talagang patawad at malalakas ang loob, ano po?
Ultimo sa mismong teritoryo at baluwarte ni Pang. Rodrigo “Digs” Duterte sa Davao ay nagagawa nilang maghasik ng lagim.
Teka, hindi pa ba nararamdaman nina Commissioner Jaime Morente at Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra ang mga bukol sa kanilang ulo at pasa sa katawan na inaabot nila sa pambubukol sa kanila ng mga tiwaling tauhan ng BI na nakatalaga sa Cebu at Davao?
Sa tig-20 Pinoy tourist workers na lang na pinalulusot sa Davao at Cebu kada araw ay P1.6-M ang pinaghahatian ng mga damuho katumbas ng singil na P40-K bawa’t ulo.
Mas malaki pa pala ang kinikita ng mga tiwali sa BI sa deployment ng Pinoy tourist workers kaysa pinagsamang bayad na kinokolekta ng Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa lehitimong OFWs.
Tutal, wala na rin lang silbi ang DOJ, DOLE, POEA at OWWA sa patuloy na illegal recruitment at human smuggling sa BI, bakit hindi na lang ipasara ng gobyerno para makatipid sa pagpapasuweldo ng mga inutil na opisyal at empleyado sa mga nabanggit na tanggapan.
Pero mahirap paniwalaan na walang mataas na opisyal ng BI ang nakikinabang sa malaking katarantadohan ng human smuggling sa Cebu at Davao.
Hindi ba kasali ang BI sa kampanya ni Pres. Digs at ng administrasyon kontra katiwalian?
Abangan!
NAKARMA ANG SOGO?
PINAIIMBESTIGAHAN rin daw ni Pang. Rodrigo “Digs” Duterte ang gumuhong gusali ng Sogo Hotel sa Malate, Maynila.
Sino kaya ang kumita sa kontrata para sa demolition ng gumuhong gusali ng Sogo?
Aba’y, milyones din ang kontrata sa building demolition na kadalasa’y sinasakote ng city engineer’s office at city building official.
Tinawag naman na karma ng iba ang trahedya ng Sogo dahil sa paggamit ng “promo-panloloko.”
PANELO, INCORRIGIBLE
HINDI katanggap-tanggap sa marami ang pahayag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo at tawaging “incorrigible” ang mga Filipino.
Para kay Panelo, wala raw pag-asa na magbago ang mga Pinoy, aniya:
“Hindi pupuwedeng reformative dito sa Filipinas. Alam mo tayong mga Filipino masyado tayong incorrigible e kaya kailangan talaga strong hand, kailangan disiplinang totoo.”
Naniniwala sana ako kay Panelo kung tinutukoy niyang incorribible ang kanyang sarili.
Lubhang mapanganib sa isang bansa at sibilisadong lipunan ang magkaroon ng mga abogado sa judiciary na tulad ni Panelo ang paniwala.
Tsk, tsk, tsk!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid