NAKATAKDA na raw ipatupad ang warrantless arrest sa Huwebes (Sept. 19) laban sa mga napalayang preso na nagawaran ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Dahil sila ay ituturing na pugante, posibleng ‘shoot-to-kill’ ang mga hindi susuko kapag inabot sila ng 15-araw na deadline ni Pang. Rodrigo “Digs” Duterte.
Kaawa-awa naman ang mga nadamay lang sa nabigong pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna mayor at convicted rapist-murderer na si Antonio Sanchez dahil sa binaluktot na Implementing Rules and Regulations (IRR) ng GCTA sa ilalim ng RA 10592.
Sa mga napalayang preso isinisisi ang nabulgar na katarantaduhan, imbes panagutin sa batas ang mga tiwaling opisyal at empleyado ng Bureau of Corruptions, este, Corrections (BuCor) na sumalaula sa pagpapatupad ng GCTA.
Sino ba naman preso ang hindi maghahangad na makalaya kung may remedyo ang batas, tulad ng GCTA?
Pero mas nakababahala ang pagbangon ng “constitutional crisis” sa maanomalyang pagpapalaya ng BuCor sa mga preso.
Hindi malayong idulog sa hukuman hanggang sa Korte Suprema ang usapin upang kuwestiyonin ang bisa ng pagpapasuko at muling pagdakip sa mga napalayang preso sa atas ng ehekutibo laban sa RA 10592.
BALIW NA PANUKALA NI REP. EGAY ERICE
TINAWAG na “crazy idea” nina SP Tito Sotto at Sen. Ralph Recto ang panukala ni Caloocan Rep. Egay Erice na ipagbawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA tuwing rush hours, 6:00 to 9:00 sa umaga at 6:00 to 9:00 sa gabi.
Wala naman sigurong matino ang utak na seseryoso sa crazy idea ni Erice, kulang sa pansin (KSP) marahil ang mambabatas at posibleng naghahanap lang ng isyu na masasawsawan para siya mapag-usapan.
Ang tanong: Ano naman ang tawag sa mga tulad ni Erice na naglako ng crazy idea?
Sabi nga, “Your guess is as good as mine!”
SMUGGLERS, CORRUPT SA BoC ANG IPAKULONG
SINO kaya ang ‘magaling’ na nagpayo kay Pres. Digs na tanggalin ang mga broker sa Bureau of Customs (BoC)?
May mga nagpapanggap kasi na mga broker na sa katotohanan ay sila ang mga dakilang smugglers.
Dalawang klase ang broker sa Customs, ang mga lehitimo at kunwa-kunwariang broker na smuggler na gumagamit ng kompanya na iba ang may-ari.
Malinaw na halimbawa ng kunwa-kunwariang broker si Mark Ruben Taguba na gumamit ng ibang kompanya para mailabas sa Customs ang P6.4-B shipment ng shabu.
Alam kaya ni Pres. Digs na ang lehitimong broker ay kailangang makapagtapos ng Bachelor of Science in Customs Administration (BSCA), isang 4-year course sa kolehiyo?
Samakatuwid, kailangang buwagin at ipagbawal na rin sa kolehiyo ang naturang kurso para maipatupad ang nais mangyari ng pangulo.
Kasama talaga sa sistema ang broker na lehitimo, sila ang inuupahan ng mga importer para umasikaso sa paglalabas ng mga kargamento sa Customs.
Karamihan sa malalaking negosyo sa bansa, mga mall; mga tindahan; pabrika; at mga nagbebenta ng produkto ay mga importer din.
Kung wala nang broker, ang mga tulad nina: Ramon Ang, Lucio Tan, Manny Pangilinan, Gokongwei, Enrique Razon at iba pa ay sila na mismo ang lalakad ng kanilang kargamento sa Customs na inaangkat nila sa ibang bansa?
Sana, walang nagpapaikot kay Pres. Digs na idinidigang solohin ang trabaho ng mga broker sa Customs.
Kung nais ni Pres. Digs na masawata ang smuggling at corruption sa aduana, simple lang ang solusyon – – – ipakulong niya ang mga broker cum smuggler at ang mga kasabwat nilang opisyal at mga empleyado ng Customs.
Parang BuCor lang ‘yan, walang mapapalaya kung walang magpapalaya!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid