AYAN ha, hindi na masasabing maramot ang mga may-ari ng sinehan. Hindi na masasabing ayaw nilang makipagtulungan sa industriya ng pelikula at ang iniisip lang nila ay ang kanilang kikitain. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagbukas ang mga bagong pelikula ng Biyernes kagaya ng hinihingi nila. Walang ibang palabas na pelikulang dayuhan kundi mga pelikula lamang na gawa nila.
Ang tanong, nagbago ba ang resulta?
Kinopo na nila ang lahat ng sinehan sa buong Pilipinas, at sa kanila mismong pra la la, lumabas na ang pelikulang may pinakamalaking kinita ay P13-M lamang sa araw na iyon. Iyong pumangalawa, kumita ng P2-M lang. Iyong pangatlo,P1.5-M na lang. Eh hindi ba maliwanag na kung ang pagbabatayan ay ang first day gross, ang mga pelikulang iyan ay flop.
Ano ang itatawag mo roon sa pitong iba pang pelikula na hindi umabot sa isang milyon ang kita?
Kung ikaw ba naman ang may-ari ng sinehan, na ang gastos mo more or less mga P40,000 sa koryente, pasuweldo at ibang gastusin sa sine, hindi pa kasali riyan iyong tinatawag na depreciation ng kanilang equipment, matutuwa ka ba sa baryang kikitain mo ng isang linggo? Hindi kaya maisipan na lang ng sinehan na magsara para makatipid sa koryente, suweldo at iba pang bayarin?
Hindi mo masasabing tatlong taon lang iyan eh. Ang daming festivals niyang mga indie, walang kumita isa man. Lahat ng suporta ng gobyerno itinapon na riyan. Pero ano ang napapala nating lahat? Ang masaya lang diyan iyong gumagawa ng pelikulang indie, dahil kumikita sila kahit na barya, pero nadadamay ang mga producer na nalulugi at pati ang mga sinehang nalulugi rin.
Ewan kung hanggang kailan nila gagawin iyan, pero tama nga sigurong magsuot ng itim na arm band dahil namamatay na ang industriya ng pelikula dahil sa mga naluluging pelikulang iyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon