AYAN na, nagkagulo na sila dahil sa titulong “datu” na ibinigay kay Baron Geisler. Pumalag ang pamilya Kiram, na siyang kinikilalang tunay na sultan ng Sulu dahil sa title na ibinigay daw kay Baron ng ibang mga taong walang karapatang magbigay ng ganoong titulo.
Sinabi pa nilang ang binibigyan lamang ng ganoong titulo ay iyong likas na taga-Sulu, o kaya sa mga taong may nagawang malaki para sa sultanate. Kinondena pa nila ang pagbibigay ng titulo kay Baron sa pagsasabing may mga nagawa si Baron noong mga nakaraang panahon na hindi naaayon sa pananampalatayang Islam, at dahil doon hindi siya dapat bigyan ng titulong “datu” kahit na honorary lamang.
Kung sa bagay, nakita naman ninyo, kahit na si Robin Padilla na hindi lamang siya kundi buong pamilya ay umanib sa Islam, at tumulong sa sultanate lalo na nang sumalakay sila sa Borneo hindi naman natawag na datu. Maski nga ang character actor na si Karim Kiram noong araw hindi naman tinawag na datu eh.
Isa pa, hindi rin kasi naging maliwanag iyang pagbibigay sa kanya ng titulong datu eh, binigyan ba siya ng kapangyarihan sa sultanate nila? Saan ba ang territoryo ng sultanate na iyon na nagbigay sa kanya ng titulo? Kinikilala ba ng gobyerno ang sultanate na iyon?
Iginigiit ngayon ng pamilya Kiram na sila lamang ang kinikilala ng gobyerno ng Pilipinas at ng samahan ng mga gobyernong Islam sa buong mundo bilang siyang namumuno at may karapatan sa sultanate ng Sulu.
Lumalabas na iyong title pala ni Baron ay parang suka lang na Datu Puti.
HATAWAN
ni Ed de Leon