SANA ay nagbibiro lang si Pang. Rodrigo “Digs” Duterte na taguriang ignorante si Sen. Panfilo “Ping” Lacson dahil sa kanyang paninindigan na labag sa batas ang pagtanggap ng mga pulis ng anomang regalo.
Nakalimutan yata ni Pres. Digs na si Lacson ay beterano at may mahabang karanasan bilang law-enfrocer at senador na mambabatas.
Si Lacson ay dating miyembro ng Metropolitan Command (Metrocom) sa ilalim ng noo’y Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC/INP) sa panahon ng administrasyon ni yumaong dating Pang. Ferdinand Marcos.
Nagsilbi rin si Lacson sa Presidential Anti-Crime Commission (PACC); naging hepe ng Presidential Anti-Organize Crime Task Force (PAOCTF); at kalauna’y naitalagang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Bilang hepe ng PNP, sinibak ni Lacson ang dating kasamahan sa Metrocom na si Gen. Roberto ‘Bobby’ Calinisan bilang PNP Region III director dahil sa ‘jueteng.’
Ilan sa epektibong naipatupad ni Lacson bilang PNP chief ang kampanya laban sa “Kotong Cops” at mahigpit na ipinagbawal din ang may malaking tiyan sa hanay ng pulisya.
Masyado lang mahaba kung susulatin ang mga napatunayan ni Lacson bilang noo’y hepe ng PNP para pagkasyahin sa pitak na ito.
Sa Senado, isa si Lacson sa tatlong senador na bukod-tanging hindi tumanggap ng pork barrel, ang dalawa ay sina dating Manila Mayor Alfredo Lim at Sen. Joker Arroyo.
Kaya paano matatawag na ignorante si Lacson?
Parang minamaliit ni Pres. Digs sa kanyang patutsada ang posibilidad ng pagtakbo ni Lacson sa 2022.
Nakalimutan din yata ni Pres. Digs na siya man ay inalipusta ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada at tinawag na “pang-Davao lang” at “walang finesse” sa mga kababaihan.
Kung si Pres. Digs kaya ang tatanungin, sino sa palagay niya ang mas nakahihigit ang kalipikasyon kompara kay Lacson sa mga nagpoposturang presidentiable ang pag-uusapan?
‘KILLER’ GUSTO NI GO
NA IPALIT SA BUCOR
IPINANGALANDAKAN ni ‘dating’ special assistant to the president (SAP) at ngayo’y Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, kanya raw pinayohan si Pres. Digs na “killer” ang italagang kapalit ni dating Marine captain Nicanor Faledon sa Bureau of Corruption, este, Corrections (BuCor).
Dating opisyal man ng militar o pulis ang hinahanap ni Pres. Digs na ipapalit kay Faeldon, sabi ni Go:
“Basta qualified po s’yang i-appoint. Basta killer.”
Pero ayon sa tagapagsalita ng pangulo na si Salvador Panelo, ang dating abogado ni convicted rapist-murderer at Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez:
“A killer? The President has not made any announcement on that so we’ll just have to wait for his appointing a person to replace chief Faeldon,” ani Panelo.
Kompara kay Go ay mas tumpak si Panelo, aniya:
“You know, the President has only two qualifications: honesty and competence.”
Ang hindi lang niliwanag ni Go ay kung anong klaseng killer ang kanyang tinutukoy sa kanyang payo kay Pres. Digs.
Hindi kaya “killer ng pondo” ang tinutukoy ni Go?
CUSTOMS NA, BROKER PA
PARA kay Pres. Digs, ang pagtatanggal sa mga broker ang tanging solusyon na tatapos sa talamak at hindi nasasawatang katiwalian sa Bureau of Customs (BoC).
Sa kanyang pahayag kamakailan, sabi ng pangulo:
“Pagka may brokers, may corruption talaga ‘yan. Ngayon, sinasabi ko, sabihin mo sa Filipino, kung gusto talaga nila walang corruption, tanggalin na natin ‘yan mga ano gross, wala nang examiner sa Customs, wala nang brokers.”
Alam kaya ni Pres. Digs, may mga broker na kung ‘di man empleyado ay opisyal pa ng Customs?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid