HATID ng makabagong teknolohiya ang mga makabago ring pagsubok para sa mga guro. Hindi lamang teknolohiya ang araw-araw na yumayabong, pati na rin ang samot-saring “trends” na kinagigiliwan ng mga batang mag-aaral na kung tawagin ay “millennials.”
Ayon sa Pew Research Center, millennials ang tawag sa mga ipinanganak mula 1981-1996 at post-millennials naman ang mula 1997 hanggang kasalukuyan. Kadalasan ang mga estudyanteng kasama sa mga grupong ito ay tinaguriang “digital natives” o kinamulatan na ang digital na mundo na may internet at teknolohiya. Sa mga mas batang guro hindi ito problema, ngunit sa mas may edad na, maaari itong maging pagsubok. Nariyang kailangang alamin ang iba’t ibang trend o uso upang makibagay sa estudyante tuwing talakayan, o ‘di kaya’y gumamit ng teknolohiya, Power Point presentations at iba pang digital visual aides upang mas mapukaw ang atensiyon ng mga kabataan.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Microsoft Corp., napag-alamang lumiliit na halos sa 12 hanggang walong segundo ang atensiyon ng millennials, at mas nagiging mapili na sila sa pagtutuunan ng pansin dala na rin ng napakaraming content at libangan na maaaring makapukaw ng atensiyon nila sa makabagong panahon. Hamon ito sa kahit sino mang guro lalo sa mga hindi sanay sa teknolohiyang araw-araw na ginagamit ng mga estudyante.
Paano nga ba mas maeengganyo sa mga leksiyon ang millennials? Ayon sa efrontlearning.com mahalaga ang 5 Rs upang mas matuto ang mga kabataan ngayon: research-based methods, relevance, rationale, relaxed, at rapport.
Mahalaga na ugaliing mag-research muna ang bawat guro bago sumabak sa ano mang klase sapagkat madalas din mag-Internet ang mga mag-aaral. Mas magiging mabisa kung ‘di na mananatili sa tradisyonal na lectures at gagamit ng ibang activity. Ngunit dapat tandaan na hindi pa rin matutumbasan ng makabagong teknolohiya ang mahusay na pagtuturo. Kailangang may saysay at patutunguhan ang bawat leksiyon upang makita nila ang praktikal na aplikasyon o kung bakit nga ba mahalaga ang partikular na leksiyon para sa kanilang buhay. Mas magiging buhay din ang diskusyon kung hindi takot ang mga estudyante at may tiwala sa guro. Hindi na mabisa ang pananakot, pananakit o pamamahiya dahil isang post lamang sa social media, maaari na itong maiparating sa kinauukulan. Gayonpaman, kailangan pa rin linawin ang propesyonal na ugnayan sa pagitan ng estudyante at guro. Hindi naman ibig sabihin ay kailangan na silang i-friend sa social media at bantayan ang bawat post at activity nila online. Mahalaga lamang na ginagabayan din sila maging sa labas ng klasrum.
Ang mga millennial na estudyante ay may mga makabago ring problema at stress na kinakaharap dala ng teknolohiya, kaya higit kailan pa man, kailangan nila ang gabay ng mga guro.
Mas mahirap man, tiyak na mas interesante at makabuluhan ang pagtuturo sa mga kabataan ngayon na mas mulat sa maraming bagay. Imbes tingnan ito bilang isang problema,dapat maging hamon ito upang pag-ibayuhin ng mga guro ang pagiging malikhain at kritikal sa pagtuturo at paggabay.
*Si Analiza l. Varnal, Teacher III ay guro sa Social Studies Department ng Sapang Palay National High School, sa City of San Jose del Monte, Bulacan.