NAKATATAWA, este, nakatutuwa ang masyadong pagpapalaki ng balita sa mga social at civic activities ni dating special assistant to the president at ngayo’y Sen. Christopher Lawrence Go (aka Bong Go).
Tampok ang press release na dinalaw ni Go ang dalawang barangay para mamahagi ng food packs, relief assistance at groceries sa 230 pamilya, at school supplies sa mga mag-aaral na biktima ng sunog sa Davao.
Mantakin na lang, naroon sa sobrang “overkill” na seremonya sa pamumudmod ng relief ang mga nagkakandarapang kinatawan mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan – Department of Health (DOH), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Housing Authority (NHA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Department of Trade and Industry (DTI).
Si Go kasi ang pinaniniwalaang “appointing power” o nasa likod ng pagtatalaga sa mga opisyal ng pamahalaan sa kasalukuyang administrasyon at itinuturing na pinakamaimpluwensiyang nilalang sa tabi ni Pres. Digs.
Kailanman ay hindi natin minasama ang pagtulong, lalo’t hindi ito ipinangangalandakan dahil ang ginagawa raw ng kanang kamay ay hindi dapat makita ng kaliwang kamay.
Palibhasa, basta’t ang pinag-usapan ay tulong ay hindi na pinahahalagahan ang ‘propriety’ o kawastohan nito kahit pa walang ipinagkaiba sa alamat na pagtulong ni ‘Robin Hood’ sa nangangailangan.
Ipinamarali rin ni Go ang kontrobersiyal na Malasikwat, este, Malasakit Center na kanyang naimbento noon bilang special assistant ni Pres. Digs at hindi pa nahahalal na senador.
Kuwestiyonable pa man din ang papel ng Malasakit Center na “brain child” ni Go para maging daluyan ng pondo na umaagos mula sa kita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ngayon lang kasi nangyari na ang dating co-terminus na gaya ni Go ay maglunsad ng proyekto gamit ang resources ng gobyerno.
Kailan ba naamiyendahan ang charter ng PCSO na gumamit ng alulod para duplikahin ang kanilang mandato bilang ahensiya sa kawanggawa?
Kumbaga sa koryente ay parang transformer, imbes idirekta ng PCSO ang tulong sa nangangailangan ay idaraan pa sa Malasakit Center.
Ngayong isa nang senador si Go at legislator, dapat na niyang tantanan ang pag-epal sa mandato ng executive at co-equal branch ng gobyerno.
Mas makabubuting patunayan ni Go ang kakayahan ng pagiging mambabatas niya sa pagpapanukala ng mga makabuluhang batas na makabubuti sa bansa at mamamayan.
Ipaubaya na lang ni Go na gampanan ng PCSO, DSWD at ibang ahensiya ng ehekutibo at mga government owned and controlled corporation (GOCC) ang pagtupad sa kanilang mandato na pangunahan ang pagtulong sa mamamayan na nangangailangan.
Ang pinaggagagawa ni Go ay wala rin ipinagkaiba sa pagsandok ng mga mambabatas ng ‘pork barrel’ para sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Maliban kay Go ay walang ibang garapal na mambabatas ang kayang gawing sunud-sunuran ang mga ahensiya ng ehekutibo sa kanilang aktibidad sibiko, tulad sa pamumudmod ng relief sa mahihirap.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid