KABILANG sa mga nagkakalat na appointee ng kasalukuyang administrasyon itong si Commissioner Greco Belgica ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Akala pala ni Belgica ay nagtataglay siya ng authority na bigyang interpretasyon ang nasasaad sa RA 6713 na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na tumanggap ng regalo o pabuya.
Ayon kay Belgica, “insignificant” o hindi mahalaga ang nasabing batas kung ang karaniwang empleyado ay tatanggap ng regalo na halagang P100K.
Aba’y, kailan pa nasalinan si Belgica ng poder na tulad sa mga mahistrado ng Korte Suprema na bigyang kahulugan o interpretasyon ang batas?
Feeling siguro ni Belgica, siya ang ika-16 na mahistrado ng Korte Suprema.
Gusto pang amiyendahan ni Belgica ang batas, gayong hindi naman siya mambabatas.
Dapat, tumakbong mambabatas ulit si Belgica at saka ipanukala ang pagtrumpeta sa dispalinghadong pagpapakahulugan sa batas.
‘Buti na lang hindi nanalo si Belgica na dalawang beses tumakbo.
Alam ba ni Belgica na ang trabaho niya ay limitado lamang sa pag-iimbestiga at paghahain ng kaso laban sa mga corrupt na opisyal at empleyado ng gobyerno?
Sa madaling salita, bago pangahasang pakialaman ni Belgica ang mandato ng Korte Suprema bilang interpreter ng batas at ng Kongreso sa pag-amiyenda ng mga batas, atupagin muna ang paghabol sa mga magnanakaw na hanggang ngayon ay hindi pa nila nagagawa mula nang sila ay maitalaga ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa PACC.
Puwedeng sumipsip si Belgica habambuhay kung ‘yan lang talaga ang talent niyang maipagmamalaki, basta’t ‘wag lang idaramay at ikokompormiso ang batas.
Mahirap talagang magpanggap na magaling, lalo’t hindi naman talagang magaling.
Bagay na bagay sa mga tulad ni Belgica ang sinabi ni Thomas Jefferson, naging pangulo ng Estados Unidos ng Amerika na nagwikang:
“It is always better to have no ideas than false ones; to believe nothing, than to believe what is wrong.”
NABARIL NA 3 BoC EMPLOYEES ISALANG SA LIFESTYLE CHECK
SUGATAN sa pamamaril nitong Biyernes ang magkapatid na sina Maricon Manalo and Marietta Lasac, kapwa empleyado ng Bureau of Customs (BOC).
Naganap ang insidente sa Magallanes Village, Makati habang ang dalawa at isa pang empleyada rin ng Customs ay sakay ng isang kotse.
Bumaba raw mula sa isang hiwalay na sasakyan ang apat na armadong kalalakihan na bumaril sa kanila.
Suspetsa raw ng Makati police, pagnanakaw ang pakay ng mga suspect.
Una, bakit sa dinami-rami ng bibiktimahin ang tatlong empleyado ng Customs ang tinarget ng mga suspect?
Ikalawa, sila ba ay residente o napadaan lang sa Magallanes Village na isang exclusive subdivision?
At ikatlo, wala kayang kaugnayan sa smuggling ang naganap na insidenteng muntik ikasawi ng tatlong empleyada ng Customs?
May nakapagsabing nakahahawig kasi nila ang mga empleyadong ‘bagman’ ng isang mataas na opisyal ng Customs.
Katunayan, saan man Customs port maitalaga ang district collector ay bitbit din daw niya sa destino ang kanyang matitinik na bagman.
Subukan kayang isalang ang tatlo sa lifestyle check upang malaman na walang kinalaman sa kanilang trabaho sa Customs ang naganap na pamamaril.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid