Monday , December 23 2024

Paalam, Ama ng Philippine Tabloid

Kumusta?

Noong Sabado, Agosto 10, ihinatid natin sa Huling Hantugan si Ariel Dim. Borlongan.

Isang gabi bago ito maganap, nagpugay kami sa kaniya sa Blessed Memorial Garden sa Balagtas o Bigaa, ang sinilangang bayan mismo ni Francisco Baltazar.

Tulad ng inaasahan, lahat ay nagulat.

At nanghinayang sa kaniyang trinaydor ng atake sa puso sa edad na 60.

At ang pagluha ay tinumbasan ang pagbabaliktanaw.

Sa ganang-amin, dinakila namin siya bilang isang batikang makata.

Nakilala namin siya nang palarin kami sa Talaang Ginto noong 1985 – isang taon matapos niyang manalo sa Gawad Galian ng Galian sa Arte at Tula (GAT) at magsanay sa dalawang palihan: ang University of the Philippines Writers Workshop at ang Ricky Lee’s Scriptwriting Workshop.

Ipinakontak kami sa isa sa mga hurado noon na si Teo Antonio (kasama nina Amb. Edmundo Libid at Dr. Soledad Reyes) ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario noong araw ng parangal sa National Library para dumalo raw sa susunod na Sabado para sa isang ibang klaseng klase.

Dumating naman kaming tatlo ni Edwin Abayon — na nanalo ng ikatlo, ikalawa, at unang gantimpala — sa Victoria Building, sa kanto ng Bohol Avenue (na Sgt. Esguerra na ngayon) at Quezon Avenue sa Quezon City.

Nangalaglag ang panga’t puso namin nina Ariel nang nakasabay namin sa CR pa lamang sina Alfredo Navarro Salanga na nagpataas pa ng zipper sa inyong abang lingkod.

Nangabuhay mula sa pahina, kung baga, ng mga binabasa naming aklat pampanitikan sina Ed Alegre, Mike Bigornia, at Rene Villanueva na kasalukuyang nasa Langit na rin!

Kasama ni Koyang Roger o Rogelio Mangahas na nauna na rin.

Silang tatlo kina Koyang Bert o Lamberto at Rio Alma – na kinilala bilang triumvirate o “Tungkong-Kalan ng Modernismo sa Panulaang Filipino” – ay abot-kamay lamang noon.

Sila ang ilan lamang sa mga patnubay namin nina Ariel sa noon ay Rio Alma Poetry Clinic na kinalaunan ay naging LIRA.

Hindi Literatura ni Rio Alma kundi Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo.

Oo, isa si Ariel sa tinaguriang “Magnificent 8” na kasaping tagapagtatag kasama kami at sina Gerry Banzon, Joey Baquiran, Ony Carcamo, Rowena Gidal, Danny Gonzales, at Dennis Sto.Domingo.

Tatlumpu’t apat na taon na ngayon ang LIRA at walang sawa pa rin sa paggabay sa mga kabataang manunulat.

Animo’y si Ariel.

Naglaan siya ng panahon at pagkakataong turuan ang mga bata at/o nagsisimulang peryo­dista sa mga pinagtrabahuhan niyang peryodiko.

Nagkasama kami noon sa isang lugar, habang ako ay nagsusulat para sa Estudyante Magazin, siya naman ay nag-eedit para sa Abante.

Kahati rin kasi ng mga pahayagang ito ang tanggapan ng Adarna House kung saan din nagpupulong ang LIRA.

Nang ipinanganak ang bunsong kapatid ng Daily Globe na Diyaryo Filipino (DF), isinilang ang maituturing na “kauna-unahang” broadsheet sa Filipino sa kontemporanyong Filipinas sa unang bahagi ng Dekada ‘90.

Naging kanang-kamay siya ni Koyang Bert, ang kaniyang mentor (o tormentor?) sa nabanggit na tabloid na sinimulan nila nina Rio Alma at Edgardo Reyes, ang kuwentistang sumulat ng Maynila sa mga Kuko ng Liwanag.

Sa DF, nagpakadalubhasa siya sa pagiging editor samantalang ako ang naging editor sa seksiyong Lathalain at Panitikan.

Isa rin si Ariel sa masugid na nagsusumite ng mga tuluyan at tula sa amin.

Noong 1990 din, naglabas ang LIRA ng Parikala, ang koleksiyong siyang sumunod sa Unang Bagting (1988) ang una ring kalipunang pinagsamahan namin nina Ariel at mga orihinal na miyembro ng LIRA.

Una kaming dalawa na nagsama sa iisang libro nang maglabas si Bb. Karina Bolasco ng proyektong “back-to-back book” para sa Anvil Publishing Inc.

Noong 1994 ang aking librong Alit: Dalit Galit Halit Malit Ngalit Palit Salit ay naging kakambal o kabaliktaran ng aklat ni Ariel na pinamagatang Pasintabi sa Kayumanggi.

Dito lumabas ang kaniyang From Saudi With Love, ang klasikong tulang itinuturo ko sa klase ko:

 

Kumusta na minamahal kong kabiyak,

Okey ba ang greyds ng ating mga anak?

Ang aking Dyunyor, nagbabasketbol pa ba?

Si Anna? Tiyak na siya ang Reyna Elena

At hinangaan noong Flores de Mayo.

Kumusta na si Kumpareng Serapio?

Kumagat siya sa kumalat na tsismis

Na kumaliwa ang kanyang misis

Kayâ nagkunwari siyang tinotoyo

Sa araw-gabing pagsubò ng pakò.

Ako tuloy ang napilitang tumanggap

Ng ekstensiyon sa kanyang pagtuwad.

Ayos ba ang padala kong kolord TV?

Nadale ko iyan sa rapol. Ano’ng sabi

Ni bayaw sa koleksiyon ni Springsteen?

Akala ko, makabayan siya, ba’t humiling

Ng imported? Teka nga muna, mahal,

Ano’t dumalang ang iyong liham?

Hindi ako bilib sa teyp ng boses ni Inang

Na naloloko ka sa bagets na kapitbahay.

Alam mo naman ang hirap ng búhay dito…

Nakasosora na ang manok na elado,

Oo, may ubas, kahel, at mansanas

Pero iba talaga ang Filipinas.

Mula nang ilipat ako rito sa Riyadh

At wala nang balitang natanggap

Mula sa iyo at sa ating mga anak,

Laging alboroto ang aking utak.

Sa homsik, natukso ako sa byuti

Ng misis ng aking among Arabe.

Patawad. Huling liham ko na ito.

Sa Biyernes pupugutan na ako ng ulo.

 

Naganap ito sampung taon makalipas siyang tanghaling Makata ng Taon noong 1994 at 1995 sa Surian ng Wikang Pambansa na magiging Komisyon sa Wikang Filipino.

Tunay na malayo ang narating ng gaya niyang nagtapos ng A.B. English sa Feati University na kinalaunan ay magiging editor din hindi lamang ng Filipino Magazin kundi ng Balita, Bulgar, Hataw! at iba pang tabloid.

Sa kinikilalang “Gintong Panahon ng Pamamahayag,” nagawa pa rin niyang magwagi sa Talaang Ginto noong 1985, 1987, 1988, at 1989 at Carlos Palanca Awards for Literature noong 1986 at 1988.

Sa dami ng gawain, naisingit pa niya ang pagsasalin ng Bagong Lumipas 1 at 2 o A Past Revisited at The Continuing Past ni Renato Constantino.

Dinakila si Ariel ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas o UMPIL para sa kaniyang ambag sa panulaan kung hindi man sa buong panitikan, at peryodismo, sa Filipinas noong 2018.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *