MASASABI ngang kung minsan, magtataka ka kung bakit hindi kumikibo ang isang tatay lalo na at ang nasa trouble ay ang anak niyang babae. Kaya marami nga ang nagtataka, bakit tahimik na tahimik si Dennis Padilla sa gulong kinakasangkutan ng anak niyang si Julia Barretto, maliban doon sa unang nasabing tinanong niya nang diretsahan si Gerald Anderson kung nililigawan nga ba niyon ang kanyang anak. Si Gerald, umamin mismo na nakausap niya sa telepono si Dennis. Si Dennis walang sinasabi tungkol sa mga bagay na iyon.
Hindi mo rin naman masisisi si Dennis, dahil sa naging takbo ng buhay nila simula noong maghiwalay silang dalawa ni Marjorie Barretto, parang sinabi na ring wala siyang pakialam sa kanyang mga anak. Tatlo ang naging anak nina Dennis at Marjorie, sina Julia, Claudia, at Leon. Magkasabay na hinarap ni Dennis ang dalawang kaso ng petisyon para huwag nang gamitin ng dalawa niyang anak na babae, sina Julia at Claudia ang apelyido niyang Baldivia, at ipinaalis iyon maging sa kanilang birth certificate.
Ang katuwiran niyo ay dahil hindi naman daw legal ang kasal nina Dennis at Marjorie dahil sa nadiskubreng may nauna palang kasal ni Dennis tatlong taon bago niya pinakasalan si Marjorie.
Iyong panganay ni Marjorie ay anak niya kay Kier Legaspi, at hindi naman in-adopt ni Dennis noong pakasal sila. Iyon namang bunsong anak niyang babae na si Erich ay ipinanganak noong hiwalay na sila ni Dennis at hindi nga tinutukoy kung sino ang tatay ng bata. Lahat sila ang ginagamit na apelyido ay Barretto, sunod sa kanilang nanay.
Bagama’t alam naman ng halos lahat na siya ang tunay na tatay ni Julia, legally lumalabas na wala siyang karapatan, at kung makikialam siya maaaring lumabas na siya ay “nanghihimasok” sa buhay ni Julia. Kaya tama rin naman siguro na manahimik na lang siya at umiwas na masangkot pa sa gulo.
HATAWAN
ni Ed de Leon