NAKAPASOK sa UP Fighting Maroons si Juliana Gomez, ang magandang anak nina Mayor Richard Gomes at Congresswoman Lucy. Talaga namang bago pa iyan, sumasali na sa mga volleyball competition iyang si Juliana, at hindi maikakaila na ang tatay niya ay isang national volleyball player din, at malaking advantage iyon dahil tiyak matuturuan siya ng ibang mga technique.
Pero ang pinakamalaking advantage riyan, lalo na nga at ang volleyball ay isa sa tinatawag na spectator sports, ibig sabihin ay pinanonood ng mga tao, tiyak na magkakaroon ng psychological advantage ang team dahil sa mga fan mismo ni Juliana.
Kung magkakataon nasa audience si Mayor Goma o si Cong. Lucy, advantage pa rin iyon. Tiyak iyon mas darami ang spectators sa laban ng volleyball sa UAAP.
Pero ang kuwentuhan nga, mukhang mas nagmana si Juliana kay Mayor Goma. Kung natatandaan ninyo, bukod sa volleyball, nag-fencing din si Juliana. Hindi siya nag-artista, pero nag-model din. Mukhang mas nahilig siya sa sports dahil sa impluwensiya ng tatay, kaysa pagpapaganda na siya namang kung iisipin ay linya ng nanay niya.
Hindi rin kataka-taka kung isang araw ay biglang magkaroon ng desisyon si Juliana na pumasok na rin sa public service. Iyong showbusiness walang problema. Marami nang offers si Juliana, ayaw lang niyong bata talaga. May nagsasabi namang ayaw din daw kasi ng tatay dahil tiyak maliligawan agad ang anak niya.
Pero alam ninyo iyang sports, may isa pang sikreto riyan eh, lalo na ang spectator sports.
Noong araw, bakit ba sumikat iyong basketball team ng Toyota bukod kay Robert Jaworski? Dinarayo kasi nila noon ang mala-matinee idol na si Francis Arnaiz. Bakit ba dumami ang nanonood ng lawn tennis kahit na mainit, kasi noon ang ganda niyang si Dyan Castillejo. Kailan ba sumikat ang football sa Pilipinas? Hindi ba noong makilala si Phil Younghusband? Tingnan ninyo iyong weightlifting, wala halos nanonood diyan, kasi wala silang nakikitang maganda.
Kaya nga iyang pasok ni Juliana, matindi ang epekto niyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon