ANG problema ng pelikulang Filipino sa ngayon ay tinatalo iyon ng mga pelikulang dayuhan, dahil talaga namang napakagaganda ng mga inilalabas na pelikulang dayuhan, at totoong marami namang mga pelikulang Filipino na walang kawawaan. Bukod doon mahal na ang manood ng sine. Tatlong daang piso na halos ang admission price ng isang tao, samantalang may mga nag-aalok ng pelikula sa ibang platforms na maida-download mo pa, at sa halagang P500 makapanonood ka na ng kahit 20 pelikula, hindi ka pa lalabas ng bahay at maiinis sa traffic.
Pero maliwanag na basta gusto ng mga tao ang artista sa pelikula, pinanonood naman nila iyon at kumikita. Maliwanag na ang solusyon sa problema ay hindi “proteksiyonismo”, hindi ang pamimilit sa mga sinehan na ilabas ang mga pelikula kahit na hindi kumikita. Ang solusyon, gumawa sila ng pelikulang gusto ng masa para sila kumita at mailabas sa mga sinehan.
HATAWAN
ni Ed de Leon