ISINANTABI ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang anomang balakin sa pagtakbong pangulo ng bansa pagkatapos ng kanyang termino.
Sa halip, anang alkalde, ay ilalaan niya ang kanyang panahon sa pagsisilbi sa mga mamamayan ng Maynila.
Buong pagpapakumbaba rin sinabi ng alkalde na hindi siya maikokompara kay dating Mayor Arsenio Lacson, aniya:
“Incomparable ‘yan, wala ako sa kalingkinan no’n. Nakahihiya kay Mayor Arsenio Lacson kung nabubuhay siya. Wala ako sa kalingkinan no’n.”
Hindi mapipigil ni Mayor Isko ang publiko na hangaan sa ipinamamalas na kakayahang maipatupad ang rule of law o kawastohan ng batas sa lungsod, at maikompara siya sa ibang magigiting na lider.
Wala man plano sa ngayon ang alkalde ay dapat pa rin siyang magpasalamat dahil pinahahalagahan ng publiko ang kanyang mga ginagawa sa Maynila.
Ang iba nga ay sukdulang ipagduldulan ang sarili para magmukhang presidentiable pero bagsak naman sa hinahanap na pamantayan ng publiko.
Naniniwala pa rin tayo kay yumaong dating Pang. Ferdinand E. Marcos na nagsabing, ang maging pangulo ng bansa ay destiny o nakatadhana.
Kaya’t sa ayaw at sa gusto ay tiyak na hindi makaiiwas ang sinoman sa hamon pagdating ng tamang oras.
MGA BANGKETA SINAKOP
SA BGY. 13 SA MAYNILA DE ROBLES (Manila): “Sana po pakiparating kay Mayor Isko Moreno ang mensahe ko at hinaing ng mga taga-Asuncion at Zaragosa. Wala na po madaanan ang mga tao sa bangketa, halos lahat po ng may bahay sa harapan ng kalsada na may bangketa ay hindi na po madaanan, kasi po sinakop na po ng may-ari ng bahay ‘yung bangketa. Kaya ‘yung mga nagta-trabaho at mga estudyante sa kalsada na po nagdadaan, madalas nasasagi po ng sasakyan ‘yung mga nagdadaan dahil sa walang aksiyon ‘yung kapitan ng barangay. Meron din po sinabi sa akin ‘yung dating pinaglalagyan ng fire hydrant ay pinaalis din po ng may-ari ng ng bahay pero sakop pa rin po ng kalsada at nakalabas pa po ng bangketa. Katwiran po ng kapitan, nabili daw po ng may-ari ng bahay ‘yung bangketa kaya ginawa pong garahe. Tanong ko lang po, nabibili na po ba ang pag-aari ng gobyerno, tulad po ng bangketa at kalsada? Sana po ay matugunan n’yo ang hinaing ng mga taga-roon, du’n po ‘yun sa tapat ng 7/11 Asuncion-Zaragosa. Buong hilera po ay wala nang bangketa. Sana po ay makarating kay Mayor Isko Moreno. Magpapasalamat po kami ng marami sa inyo kung sakali dahill walang aksiyon ang kapitan ng Bgy. 13. May bookies, siya rin ang may palagay ng pasugalan na ‘yan at nagsusugal din po siya diyan ng karera ng kabayo (OTB).”
KALAMPAG
ni Percy Lapid