ISINUSULAT namin ang column na ito, hindi pa namin alam kung sino ang mga nanalo sa ikatlong Eddys, o iyong Entertainment Editors’ Choice. Nagbotohan na sila the day before, pero walang nakaalam kung ano ang resulta dahil iyon ay ipinasa nila agad sa isang accounting firm na siyang gagawa ng tabulation ng kanilang mga boto.
Maski ang mga miyembro hindi alam kung sino talaga ang nanalo. Bale lalabas lamang iyon matapos na opisyal na basahin ang mga winner na nakasulat sa isang papel na iaabot lamang sa mga presenter sa oras na ibibigay na ang awards.
Pero hindi mo masasabing may makagagawa ng milagro, dahil pagkatapos ng awards, obligado ang accounting firm na isumite sa Eddys ang kanilang ginawang tabulation, kabilang na ang mga orihinal na balotang sinulatan ng mga miyembro. Wala mang pangalan nila ang mga balota, kung ikaw naman ang sumulat niyon, tiyak makikilala mo kung ikaw iyon o hindi. Kaya hindi maaaring magdagdag, magbawas, o magpalit ng balota ang sino man matapos na sila ay makaboto hanggang sa maideklara ang mga nanalo.
Iyan ang pinaka-ideal na sistema ng pagbibigay ng awards. May isang accounting firm na itataya ang kanilang lisensiya sa kanilang gagawing trabaho. Hindi iyong kagaya ng iba na kung sino lang ang pagbibilangin sa isang sulok, tapos kung hindi pa magustuhan ang bilang, maaaring palitan ang resulta. Wala naman kasing certification ang resulta mula sa isang lisensiyadong accounting firm. Kaya kung minsan, sila-sila rin nagtataka sa resulta dahil hindi ganoon ang inaasahan nila mula sa kanilang mga ibinoto.
Ang maganda nga lang diyan sa Eddys, hindi nila isinusugal ang kanilang karangalan diyan sa awards na iyan. Walang bentahan. Walang lakaran at wala ring dagdag-bawas.
HATAWAN
ni Ed de Leon