HINDI lang minsan, maraming beses na tayong nakarinig ng kuwento na may nag-ambisyong maging artista, singer, o model na nang malaunan wala ring nangyari dahil fake pala ang kanilang mga nalapitang talent scouts at sila, na-tolongges pa. Iyan naman kasing mga iyan, hindi naman sila ang producer, kaya kung totoo man, ilalapit pa rin kayo niyan sa producers talaga.
Ngayon may short cut na. Magkakaroon ng Viva Con sa World Trade Center sa August 3 at 4. Bukod sa magkakaroon ng mga exhibit at concerts na sinasabing pangungunahan nang mahigit na 500 stars mula sa Viva Entertainment, magkakaroon din ng audition area para sa mga baguhang may ambisyon. Gusto ninyong maging singer, singers mismo ang haharap sa audition ninyo. Gusto ninyong maging artista, mga artista mismo at totoong director ang haharap sa inyo. Gusto ninyong maging model, mga professional model ang haharap sa inyo. In the end, mga executive ng Viva ang kausap na ninyo, iyong producers mismo.
Kaya nga noong marinig namin iyan, sabi namin pagkakataon na iyan ng mga may ambisyon. Sa totoo lang, ang daming may hitsura. Mas magaganda pa at guwapo kaysa ibang artista. Marami ring may mga talent, hindi lang alam kung ano ang gagawin nila sa talents nila. Kaya iyang sisimulang Viva Con, maganda iyan para sa mga baguhan.
Diretso kayo sa producers mismo. Walang haharang sa inyong bakla o tomboy. Bukod doon ang makakaharap ninyo ay ang mga sikat at hinahangaan pa ninyong mga artista, na hindi naman kayo lolokohin. Manloloko ba naman iyong mga kilalang artista?
Isipin nga ninyo, iyong ibang audition, libo-libo pumipila, ilan lang ang kukunin hindi pa sigurado kahit na makuha ka na magkakaroon ka ng career. Eh diyan, basta nakuha ka hindi na contest iyon, tuturuan ka na kung paano ang gagawin sa career mo para sumikat.
HATAWAN
ni Ed de Leon