NABANGGIT na rin lang si direk Eddie Garcia, pinag-uusapan nga namin ng isang beteranong actor. Simula ba noong araw, sa shooting ng kahit na anong pelikula, o taping ng kahit na anong TV show, may nakita na ba kayo minsan man na isang doctor, o medic man lang, at isang ambulansiyang nakabantay?
Ewan, kasi kami nga parehong tumanda na sa showbusiness wala kaming nakitang ganyan talaga. Medyo mali pero wala talaga eh.
Iyong mga cable sa shooting o sa taping, talaga bang nakakalat? Hindi man lang ba nilalagyan ng duct tape iyan. Talagang ganoon din eh, kasi lahat ng trabaho madalian. Pagkatapos ng isang take, kalas lahat iyan para mai-set up nang panibago. Pagkatapos ulit ng take, kalas na naman iyan.
Kaya iyong nangyaring iyon kay Eddie, talagang maaaring mangyari. Totoo rin namang maaaring iwasan. Pero sino ang gagawa? Sino ang kukuha ng isang structural engineer para tingnan ang ginagawang mga sets at mapatunayang matibay iyon? Sino ang kukuha ng safety engineers para magsabi kung ano ang safe at hindi dapat gawin sa set?
Oras na ipatupad ninyo iyan, wala nang gagawa ng pelikula. Wala na ring gagawa ng mga serye. Bibili na lang sila sa Korea, Japan, Mexico at kung saan-saan pa tapos ipapa-dub na lang nila sa mga dubber na mura lang ang bayad sa bawat script. Nakatipid pa sila sa shooting.
Iyan ang mga katotohanang dapat na nating tanggapin.
HATAWAN
ni Ed de Leon