Monday , December 23 2024

Suportahan si Isko!

TAMA ang ginawang pag-abot ng kamay at pakikipagkasundo ni incoming Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa kanyang mga nakatunggali sa nakaraang halalan.

Si Isko mismo ang kusang gumawa ng hakbang na makausap at makaharap kama­kailan si dating Mayor Alfredo Lim, pati na si outgoing mayor Joseph ‘Erap’ Estrada, na mga sinundang alkalde ng lungsod.

Sino ba naman ang may matinong isip na hindi hahanga sa ipinamalas na kapakumbabaan at pagiging maginoo ni Isko na kung tutuusin ay malayo sa inaasahan ng marami?

Kung ‘di tayo nagkakamali ay mayroong nais patunayan si Isko, ang kakayahan na tumupad sa mga binitiwang salita at pangako.

Sa kanyang pahayag pagkatapos ng eleksiyon, ani Isko:

“I do not want to lead a divided city.”

Ang anomang bagay na nagsisimula sa tama ay magtatapos din sa tama kaya’t ramdam na agad ang maayos at mabuting kahihinatnan ng Maynila sa ilalim ng administrasyon ni Isko.

Bigyan natin ng pagkakataon ang isang Manileño na maisakatuparan ang mga balakin na inaakala niyang makabubuti sa kapakanan ng lungsod at mamamayan.

Kaya sa mga Manileño, sama-sama po natin suportahan si Isko bilang bagong alkalde ng Maynila!

‘FLY-BY-NIGHT’ TRAVEL AGENCY SA MAKATI CITY

DINAGSA ng reklamo ang Makati Police Station laban sa isang manlolokong travel agency sa lungsod na marami nang nabiktima gamit ang social media.

Hindi magkandatuto ang mga nagantsong biktima kung paano hahabulin ang mga man­lolo­kong nasa likod ng E-Flight Travel and Tours na may tanggapan sa LG 07 Cityland 8 Condominium #98 Sen. Gil J. Puyat Ave (dating Buendia Ave.), Makati City.

Nakarating sa kaalaman natin ang sinapit ng ilan sa mga nabiktima na matapos makapagbayad ay hindi tinamasa ang mga nakapaloob sa package tour na kanilang binayaran sa fly-by-night na travel agency.

Nitong nakaraang linggo, imbes na masaya ay umuwing konsumido ang isang pamilya na nagbayad ng halagang P200,000 sa agency kapalit ng round trip ticket, hotel accommodations at transportation sa mga papasyalang lugar sa ilang araw na pagbisita nila sa South Korea.

Pero pagbaba nila sa Seoul airport ay inihatid sila ng sasakyan at basta na lang ibinaba sa isang parang dormitoryo at hindi sa hotel na dapat tuluyan, ayon sa nakasaad na kanilang binayaran sa agency.

Kaya’t napilitan silang humanap ng ibang hotel at maayos na matutuluyan para sa 7-katao.

At para matuloy na lang ang matagal na pinaghandaang bakasyon, kumuha sila ng sasakyan para maghatid sa kanila sa lugar na papasyalan.

Nagbayad sila ng halagang umabot sa P10,000 patungo lamang sa pinasyalang lugar at P10,000 pabalik sa tinuluyang hotel.

Sa madaling sabi, maliban sa plane ticket, sila lahat ang gumasta sa ibang nakapaloob na itinerary sa package tour na kasama sa kanilang binayaran sa agency bago umalis patungo sa nasabing bansa.

Ang iba sa mga nagrereklamo ay nagmula pa sa Davao at ibang malalayong probinsiya na lumuwas pa sa Maynila para maghain ng kaukulang reklamo.

May mga biktima ang nalinlang din ng agency ang dumanas ng katulad na panloloko na ang destinasyon ay sa Europe at ibang mga bansa sa Asia.

Ayon sa mga nakausap natin, ang E-Flight Travel and Tours ay hindi raw accredited ng Department of Tourism (DOT).

Mababasa ang iba’t ibang reklamo laban sa naturang travel agency sa kanila mismong Facebook account.

Hindi na bago ang ganitong klase ng panggagantso na kadalasa’y social media ang ginagamit sa pambibiktima.

Ang sinapit nila ay walang ipinagkaiba sa noo’y kuwento ni Lolit Solis na ang nagbayad pa man din sa nagastos ay si Rep. Alfred Vargas ng Quezon City.

Dapat lang siguro na bago aprobahan ang Mayor’s Permit para sa mga magbubukas ng travel agency saan mang lungsod at munisipyo ay tiyakin muna kung lisensiyado sila ng DOT.

Gano’n din sa mga recruitment agency na masiguro munang lisensiyado ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) bago aprobahan ang kanilang business permit.

Abangan!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *