NOONG magpunta kami sa sinehan para panoorin iyong pelikula nina Ai Ai delas Alas at Bayani Agbayani, iyong Feelennials, nakahanda kaming ang mapanood ay iyong mga karaniwang comedy film na nakikita namin. Pero hindi pala ganoon ang pelikula. Iyong pelikula nila ay kagaya ng mga “glossy films” na ginagawa ng mga major film company noong araw, na hindi na natin nakikita sa ngayon dahil ang mga pelikula nga ngayon, binabarat ang pagkakagawa.
Iyong location ng kanilang pelikula, puro magagandang lugar, at sa aminin natin o hindi, mahal ang bayad para makapag-shooting ka sa mga lugar na iyan. Nagsimula sila sa ilang drone shots. Noong araw mahirap gawin ang mga ganyang aerial shots dahil kailangang gumamit ng eroplano o helicopter na mahal ang rental. Ngayon hindi na problema iyan dahil may drone.
Mayroon pang isang maikling eksena, pero gumamit sila ng motorboat, mahal din ang rental niyan. Kung titingnan mo, mahusay ang production design.
Iyong dialogues, matatawa ka talaga. Bukod sa mahusay ang timing nina Aiai at Bayani, mahusay ang pagkakasulat ng script. Naalala nga namin ang mga linya sa mga script ni Maning Borlaza noong araw. Iyong istorya simple lang pero ok din naman.
Sa kabuuan masasabing maganda ang pelikula. May mga parte pang siguro ay maaaring mabawasan sa editing, kasi may kahabaan ang pelikula at baka maging limitado ang kanilang screening hours kung ganoon kahaba. May mga eksena kasing humaba kahit na hindi naman dapat.
Ang isa pang punto riyan, ang babatak lang ng tao sa takilya ay sina Aiai at Bayani. Bagama’t mahusay ang support na sina Arvic Tan at Raffy Roque, wala pa silang track record sa takilya. Ngayon nga lang yata nakagawa ng ganyang pelikula iyang dalawang iyan eh. Pero mahusay sila.
Iyang mga ganyang pelikula, sana kumita.
HATAWAN
ni Ed de Leon