Monday , December 23 2024

Bigtime ang bulilyaso sa P1.8-B shabu shipment na isinubasta ng Customs

IBA ang tunay na kuwento sa 146 kilos ng shabu na kamakailan ay isinubasta ng Bureau of Customs (BoC).

Ang shabu ship­ment ay idineklarang tapioca starch o arina na gamit sa paggawa ng sago.

Nabisto na gawa-gawang publisidad lang pala ng Customs na ‘controlled delivery’ ang P1.8-B halaga ng shabu shipment na matapos nilang isubasta ay nabawi nitong May 22 sa isang bodega sa lungsod ng Malabon ng pinagsanib na puwersa ng BoC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa unang pahayag ni Manila International Container Port (MICP) District Collector Atty. Erastus Sandino Austria, ang abandonadong shipment ay naisubasta noong April 22 sa nanalong lowest bidder – ang kompanyang Goldwin Commercial Warehouse na may bodega sa Malabon.

At ayon sa Customs, hindi raw kakasuhan ang nananalong lowest bidder na nakabili sa kontrabando at may-ari ng bodega sa Malabon.

Puwes, batay sa impormasyon na nakarating sa atin, ang PDEA, PCG, PNP at AFP ay nagamit na “props” sa pagkakabawi ng kontrabando at mistulang naisakay sa tsubibo, pare-parehong silang napaikot ng mahuhusay sumulat ng “script” sa Customs.

Kuwento ng ating impormante, una nang ipinaalerto ng PDEA sa Customs ang dumating na shipment sa MICP.

Pero sinabi umano ng Customs sa PDEA na base sa isinagawang physical examination ay ‘negative’ sa shabu ang kargamento.

Inabandona ng may-ari at nagpasok ng kontabando kung kaya’t isinalang ng Customs sa auction o subasta ang shipment matapos itong maisyuhan ng warrant, seizure and detention (WSD) order.

Inihatid ang container sa bodega ng winning bidder sa Malabon at habang ibinababa ng lifter ang mga laman ng container ay may mga nasirang pakete.

Tumambad sa may-ari ng bodega ang laman ng mga pakete mula sa mga nasirang paleta na gawa sa aluminyo at nadiskubreng hindi pala tapioca starch kung ‘di shabu ang laman ng kargamento.

Sa takot marahil ng nakabili, nagbalik siya sa Office of the Customs Commissioner (OCCOM) upang ipaalam na shabu at hindi sago ang kan­yang nabili sa auction.

Ibig sabihin, ang may-ari mismo ng bodega at ang nakadiskubre sa kontrabando, hindi ang Customs.

Bago yata sa pandinig natin ang controlled delivery ay ginagawa sa kargamentong isinu­subasta?

Sa pagkakaalam natin, kapag sinabing controlled delivery, sa simula pa lang ay alam ng Customs na kontrabando ang laman ng karga­mento kaya’t kanilang susundan ito sa pagba­bagsakang bodega o lugar at saka pabubuksan para masakote ang mga promotor.

Kung sa PDEA, PNP, PCG, AFP o sa National Bureau of Investigation (NBI) pala tumakbo at nagsumbong ang winning bidder na may-ari ng bodega at hindi sa Customs ay baka may malaking cash reward pa siyang napala.

Aba’y, hindi ba dapat lang bigyan ng kaukulang parangal ang may-ari ng bodega at winning bidder na hindi nagka-interes na pagkakitaan ang nabawing droga?

Si Sen. Panfilo “Ping” Lacson naman ay may mga nakalap na impormasyon at ebdiensiya laban sa nagpasok ng naturang shipment.

Ayon kay Lacson, isang Zhijian Xu alias Jacky Co ang nasa likod ng nabulilyasong shipment.

Ang ipinagtataka ng senador ay kung bakit pagkatapos masabat ng Customs ang kargamento ay hindi agad naaresto si Co na ilang araw pa munang nanatili sa bansa bago sumibat patungong Vietnam.

Si Co na isa sa most wanted sa China, ayon kay Lacson, ay nasa watchlist ng Interpol at bukod sa drug trafficking ay sangkot sa sindikato ng kidnapping.

Sa kanyang privilege speech, sabi ni Lacson:

“Ang huling kidnapping na kinasangkutan ni Jacky Co ay nagkakahalaga ng P250 million, Mr. President. Sa mga nakalap naming dokumento, siya ay may-ari ng Feidatong International Logistics Company na nakabase sa Bulacan.”

Itinatanong din ng senador sa Bureau of Immigration (BI) kung bakit labas-pasok ang mga dayuhang kriminal dito sa bansa, tulad ni Jacky Co.

‘Yan ang ating abangan!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *