DAHIL sa pagkabigo ng pamahalaan na makapagdulot ng konkretong pambansang solusyon upang mapigilan kung hindi man maiwasan ang mga pinsalang dulot ng climate change, napapanahon na upang kumilos ang mga namumuno mula sa mga rehiyon hanggang sa mga lalawigan at mga munisipalidad para maaksiyonan ang mapaminsalang phenomenon.
Ayon kay Gonzalo Catan, Jr., ng Green Charcoal Philippines, kailangan pagsikapang magkaroon ng mga batas na makapagpapababa ng carbon dioxide emission dahil ito ang pangunahing pinagmumulan ng polusyon sa hangin.
Nagbubuga pa rin ng maitim na usok ang maraming pabrika at mga sasakyan na nagiging sanhi ng patuloy na pagtaas ng temperatura.
Sariwa pa sa ating mga alala ang sinapit na napakalaking pinsalang idinulot ng bagyong Yolanda na kumitil nang halos 10,000 buhay sa Leyte.
Kung tatanungin tayo kung tayo nga ba ay handa na sa ganito kalaking sakuna, ang sagot ay hindi pa rin.
Sa Estados Unidos, pinalitan na ng gas mula sa uling ang paggawa ng koryente na nakatulong sa pagbaba ng kanilang temperatura kagaya noong dekada ‘90.
Sa ulat ng United Nations sa London, sinabi ng tanggapan ng UN para sa Disaster Reductions na ang climate change ang sanhi ng kamatayan ng 1.3 milyong katao sa loob ng 20 taon sa buong mundo, at 2.9 bilyong dolyar na halaga ng pagkalugi sa ekonomiya.
Dagdag ni Catan, kailangan maihatid ng pamahalaan ang tulong na mas makagagaan sa trabaho ng ating mga magsasaka dahil ito ang magiging daan upang mapalakas ang mga komunidad at maging handa sa mga epekto ng climate change.
Kailangan magkasangga ang disaster risk reduction at climate change adaptation upang magkaroon ng pangmatagalang development plan sa pambansa at lokal na pamahalaan upang mapigilan ang epekto ng climate change.