TAMA ang hula mo Tita Maricris. Talo mo na sina Madam Auring, Madam Venus, at Madam Sarah. Tama ang sinabi mong tatapusin ni Vico Sotto ang dynasty ng mga Eusebio sa Pasig na 27 taon nang humawak sa lunsod. Noong una, duda kami sa anak ni Bossing Vic at Coney Reyes, kasi nga 29 years old lang. Sabihin mo mang may degree siya sa Political Science, aba iyang Pasig ay napakahirap pamunuan.
Nasa Pasig ang isa sa pinakamalaking business district. Nariyan ang mga malalaking malls. Nariyan ang mga malalaking korporasyon. Pero may problema rin ang Pasig. Ang tindi ng traffic diyan at saka kung bumaha riyan todo.
Pero maniniwala na ako Tita Maricris kung ano ang magiging hula mo sa pamumuno ni Mayor Vico Sotto, at siguro naman tutulungan iyan nina Bossing at Coney. Isipin mo si Bossing, matagal nang kinukumbinsing tumakbong mayor ng Quezon City tumatanggi, ngayon anak niya ang mayor ng Pasig.
Dapat artista rin iyang si Vico eh. Lumabas na iyan sa Kalye Serye, inaway lang agad ng AlDub dahil ayaw nilang ma-link si Maine Mendoza sa ibang lalaki. Maaagaw din pala ni Arjo Atayde.
Isang artista rin ang tumapos sa 50 taong political career ni Joseph Estrada, si Mayor elect Isko Moreno. Simula noong unang tinalo ni Erap si Boyong Sto. Domingo sa San Juan, hindi na siya natalo ulit sa isang eleksiyon, ngayon na lang.
Kung buhay ang master showman na si Kuya Germs Moreno, tiyak na tuwang-tuwa iyon dahil sa That’s Entertainment nagsimula iyang si Isko. Talagang tumulong si Kuya Germs noong unang kumandidatong konsehal si Isko, ang maganda nga lang kay mayor, nakinig siya kay Kuya Germs na kailangan niyang mag-aral ulit kung gusto niyang tumagal siya sa politika. Ngayon mayor na siya.
Hindi lang si Erap eh. Tagilid pa rin sa laban sa senado sina JV Ejercito at Jinggoy Estrada. Kung ang pagbabasehan ay ang lumabas na tally sa transparency server ng COMELEC, talo na sila. Inilampaso rin sa San Juan si Janella Ejercito na anak ni Jinggoy. Wala rin si ER Ejercito sa Laguna. Pati si Gary Estrada, natalo rin sa Cainta. Kung iisipin mo, minsan nagkasabay pa sa senado sina Dra. Loi at Jinggoy. Magnanay na sabay senador. Ngayon bumagsak na ang dynasty at hindi natin alam kung bakit.
Pero may showbiz families na malakas pa rin. Naka-score pa rin ang mga Revilla sa Cavite. Mayor pa rin si Lani. Vice Governor pa rin si Jolo. Nanalo rin ang ibang members ng pamilya at nakasingit sa magic 12 si Bong Revilla sa senatorial race. Senador din ulit si Lito Lapid.
Magaang na nanalo si Vilma Santos bilang congresswoman ng Lipa, nang tambakan niya ang kalabang si dating mayor Maynard Sabile. Pero hindi naging congressman ang tatay ni Luis na si Edu Manzano, na inilampaso ng incumbent na si Congressman Ronnie Zamora, na ang anak namang si Francis ang naglampaso kay Janella bilang mayor ng San Juan.
Iyan namang si Edu, naging vice mayor dati ng Makati. Tumakbong mayor, vice president, senador, at ngayon congressman naman, pero lagi siyang talo.
Sa Pasay naman, iisipin mo bang ilalampaso ng kalaban ang ikinampanya nang todo ni Sharon Cuneta? Ni hindi nakaporma ang kapatid niyang si Chet na ipinakikiusap pa ni Sharon na “pagbigyan naman ninyo si Kuya kahit isang term lang.” May mga analyst na nagsabing kahit na nag-courtesy call kasi ang magkapatid kay Presidente Digong, dilawan pa rin ang asawa ni Sharon at malaki ang epekto niyon kahit na sa ambisyon ni Chet.
HATAWAN!
ni Ed de Leon