ISASALI raw sa Cannes ang isang pelikulang ginawa nina Piolo Pascual at Shaina Magdayao. Hindi na kami interesado kung ano man ang mangyayari sa pelikulang iyan sa Cannes. Ang iniisip namin, ano ang kababagsakan ng ganyang klase ng pelikula? Iyan bang mga pelikulang dinadala nila sa Cannes ay naihahanap nila ng distributor doon para maipalabas sa mga sinehan pagkatapos ng festival? Naibebenta ba nila kahit man lang sa mga cable distributor sa abroad?
Naitatanong namin iyan dahil nitong mga nakaraang taon, marami na tayong pelikulang naipadala riyan sa Cannes, pinuri naman daw ng mga kritiko ang mga pelikulang iyon, pero ewan kung bakit hindi masabing may mga film distributor na bumibili ng ating mga pelikula para maipalabas iyon sa kanilang bansa. Maliwanag kasi na iyong distributors ng pelikula, nakababad sa film market at naghahanap din ng mga pelikulang komersiyal para kumita ang kanilang sinehan, at hindi iyong nananalo ng awards.
Iyong distributors na tinatawag, mga tauhan ng sine iyan, at natural ang hinahanap nila ay pelikulang kikita. Iyong cable distributors, naghahanap din iyan ng mailalabas sa kanilang cable channels na magugustuhan ng kanilang audience.
Ano ang mangyayari kung ang isang pelikula natin ay mailalabas lang sa ilang sinehan ng ilang araw, tapos ipinalalabas sa Cinema One kung madaling araw din na wala na halos nanonood? Kami man eh, kung nakakikita kami ng mga nakababagot na pelikula, lumilipat na lang kami sa Discovery Channel o sa History Channel, may natututuhan pa kami.
Ang sinasabi namin, panahon na para magkaroon tayo ng mga realistic goal. Kailangan natin ang mga pelikulang kikita para mabuhay ang ating industriya. Kung ipipilit natin ang mga ganyang pelikula, huwag na kayong maghintay na makabangon pa tayo. Alam natin kung anong klaseng pelikula ang kumikita. Bakit hindi ganoon ang gawin natin?
HATAWAN!
ni Ed de Leon